Home

Latest Post

Ang Mga Misteryo Sa Buhay Ng Isang Baby Noranian: Isang paggunita sa one month anniversary ng selfie namin ni Ate Guy

Ang Mga Misteryo Sa Buhay Ng Isang Baby Noranian: Isang paggunita sa one month anniversary ng selfie namin ni Ate Guy

Artikulo ni Jill Raz

Ate Guy, bakit alas-dos na ng madaling araw e andito pa lang ako sa pinaka-unang sentence ng sanaysay ko para sa’yo? Sabi ng editor ko, huwag daw akong masyadong maging hard sa sarili ko. Ilabas ko lang daw ang feelings ko, gan’un. Pero Ate Guy, paano naman ako makakagawa ng essay na worthy para sa isang Superstar na gaya mo, nang hindi nape-pressure?

Paano ako makakapagsulat ng maayos, e hanggang ngayon ay naka-replay pa rin sa utak ko ang hapong nakita kita sa unang pagkakataon, sa Gawad Plaridel ng UP CMC? Ang pagsabi mo sa akin ng “I love you” at biglaan mong pagyakap, kahit na papaalis ka na at hindi mahulugang karayom ang sikip? Paano ko pa kakayaning magpadugtong-dugtong ang mga salita, e halos hindi na ako maka-function ng maayos dahil meron na akong “selfie” kasama ang pinakamahusay na aktres sa kasaysayan ng Pilipinas, at parang wala na akong kailangan — kahit hangin o tubig man?

Alam mo, Ate Guy, parang parte ka na ng buhay ko simula pa noong tatlong taon ako. Pinalaki kasi ako sa TV, at araw-araw naman ikaw ang nasa TV. Kumbaga, “omnipresent” na mahiwagang nilalang na lagi na lang nasa palabas at pelikula at laging bukambibig ng mga tao. Limang taon ako nang mapanood kong mabaril si Elsa matapos niyang iproklamang walang himala. Baka nga sa ’yo ko nalaman ang salitang ‘himala’ e. Cartoons pa lang ang mundo ko noon pero alam ko nang big deal ka.

Ate Guy, bakit ganyan ka kagaling? Hula ko minsan, anghel ka na nagkukunyaring mortal. Anghel na hinulog ng langit sa bansang ito para isalba ang aming mga puso’t isipan kasama ng mga super friends mong sina Ishmael Bernal,  Lino Brocka, at Mario O‘Hara hanggang kina Joel Lamangan at Brillante Mendoza, habang sa background ay pinapatugtog ang version mo ng “Pearly Shells” na nagpapatahan at nagpapawala ng aming sakit.

Noong walong taong gulang ako, nasubaybayan ko ‘yung teleserye mo na Bituin. Traumang-trauma ang buong pagkabata ko doon sa eksena kung saan bigla kang nahulog sa hagdan. Tipong madramang pagulong-gulong talaga, tapos galing pa sa tuktok ng pagkahaba-habang hagdan. Mayaman na kasi karakter mo noon, tapos nabubulag na siya. Hindi ko alam kung bakit noong panahong iyon ay gustong-gusto kita iligtas sa mapanganib na hagdang iyon (or at least bawasan ang floor wax), kahit na alam na alam kong sa teleserye, ang bida ang laging mananaig.

Labing-siyam na ako ngayon, nakatatak pa rin  sa akin iyon.

Kahit na ‘di ko pa alam noong mga oras na ‘yun, nagsimula na pala gumana ang kapangyarihan ng iyong mata sa akin. Mga mata mong nagpapakita ng ‘di-mapintang halong tuwa at pangungulila nang makita ang iyong nawalay na anak, o ng matinding takot nang mawala ang iyong paningin. Ang lakas makahila ng mga mata mo, Ate Guy. Ako naman itong hindi makabitaw.

Matapos noon, umalis ka na para sa Amerika. Gumising nalang ako isang araw at na-realize kong nawawala ka. Ngayon parang ang weird isipin na nawala ka ng walong taon, kasi parang kahit wala ka, nandiyan ka pa rin. Aali-aligid ang mga mata mo, at naririnig pa rin namin ang mga tawa, iyak at mga linya mo. Pero, para ring may humukay ng isang malaking lungga (hindi lang butas ha, lungga talaga) sa puso ng Pilipinas.

Lumaki akong nasa States ka. Minsan napag-iisipan ko kung gaano siguro kakulay ang mundo ko noong panahong iyon kung hindi ka umalis. May mga teleserye pa siguro akong sinubaybayan, o mga pelikulang pinilahan. Pero tumuloy-tuloy lang ang buhay ko. Kung anu-anong pelikula’t palabas at kaweirdohan ang natipuhan ko. Sa tagal mong nawala, akala ko nakabitaw na ako sa’yo. Akala.

Hanggang sa araw na nakilala ko si Rosario. First year high school na ako noon at unti-unti na akong pinapakilala ng nanay ko sa mga klasik ng sine natin, kasama na ang Tatlong Taong Walang Diyos. Habang pinapanood ko ‘yung imortal mong eksena, kung saan malapit mo nang itapon ang anak mo sa bangin, ramdam ko para akong amnesia sufferer na nabalikan ng memorya. Sa tagal ng panahon na wala ka, hindi pa rin pala ako nakabitaw. Imposible palang makabitaw. Nakalambitin lang pala ako noon, hinihintay ang araw na hihilahin mo ulit ako pabalik sa ‘yo. Si Rosario ang unang humila muli, at sumabay na ang marami pang iba.

Ate Guy, bakit parang hindi kaya ng mga direktor mong hindi ka inaapi sa mga pelikula? Natutulala ako minsan sa kakalista ng lahat ng pagdurusang nangyari sa mga karakter mo. Si Elsa, na-rape, tapos nagpakamatay si Chayong na best friend niya, tapos nabaril at namatay. Si Rosario, na-rape din, tapos muntik nang patayin ‘yung baby niya, tapos namatayan ng mahal sa buhay, tapos tinakwil pa ng mga kabaryo. Si Angela sa City Jail, nakakulong na nga, inabuso pa, tapos nanganak pa sa Manila Zoo. Si Flor Contemplacion, ginulangan ng asawa, tapos pinagbintangan pang murderer, tapos tinorture, tapos pinatay rin. Apat na tauhan pa lang iyan, ha. Nako, hayaan mo Ate Guy. Handa akong mang-blackmail para lang makapag-komedya ka naman.

Iilang buhay na ba ang dinanas namin dahil sa mga karakter mo? Mabibilang pa nga ba ang mga iyon? Dahil noong sinabi kong hinila mo ako, hindi lang iyon hila ng emosyon, hila ng isipan. Ako rin, nakakakulong kasama mo sa City Jail. Ako rin, sumusunod-sunod kay Gardo, dala-dala ang gamit niya. Ako rin, nakahintay sa labas ng bahay mo, masilayan lang ang nagmimilagrong Elsa. Ako rin, kasabay mong tinatahak ang mapanganib at nagbabantang mga kalye ng Maynila.

Ate Guy, sobrang swerte mo sa fans ‘no? Maraming ibang artistang nagsasabi na sa kanila daw ang “best fans in the world”, pero wala silang binatbat sa Noranians mo. Naaalala ko sina Ate Glorina at Ate Virgie, na kahit na napakainit ay naka-formal wear pa, hinihintay ka sa labas ng Film Insititute, na kahit na 2 PM pa ang awarding ay nandoon na bago pa man mag-12. Si Ate Glorina, kabisado lahat ng mga awards mo, hanggang sa kung anong taon mo natanggap. Sana makita mo kung gaano siya ka-proud na sabihing parang pamilya na ang turing mo sa kanya, kung paano kuminang ang mga mata niya habang kinukwento ang pagdinig ng boses mo sa kabilang linya ng telepono, at kung paano siya napalapit sa mga minamahal mong mga anak. Si Ate Virgie, na since Grade 5 pa Noranian, parang kahapon lang kung isalaysay ang pagiging extra nila sa The Flor Contemplacion Story, pati na ang pagpunta nila sa Ilocos para lang masilayan ang istatuwa ni Elsa. Ang sarap panoorin kung paano ka nila halos dinumog nang dumating ka, at kung paano mo sila niyakap at hinalikan. Hindi ko makakalimutan si Ate Virgie na kahit na iilang beses na kayong nagkita, ay naluluha pa rin sa iyong pagdating

Gusto ko na sanang lumapit noon, pero pinoproseso ko pa ang katunayang ika’y nasa harap ko. Pinoproseso ko pa ang katunayang totoo nga lahat ng sinasabi nila tungkol sa ganda mo. Ang gandang nagpakitang hindi lang banyagang itsura ang pang-bida sa palabas; na dapat lang rin makita ang gandang Pinoy sa pinilakang tabing at sa milyon-milyong kabahayan sa bansa. Ang gandang inibig ng nagsisigwapuhang sina Tirso Cruz III at Christopher de Leon, hanggang kina Sajid Khan at Don Johnson. Ang gandang nagparamdam sa di-mabilang na Pilipina na sila rin ay marikit at kanais-nais, kahit ano pa mang sabihin ng lipunan.

Hindi ka nga katangkaran, katangusan, o kaputian — pero may kakaibang liwanag na nanggagaling sa ’yo. Baka rin kasi puting ternong may sequins ang suot mo, pero ramdam ko dahil lang talaga sa tinatawag nilang “inner beauty” na sinasabi nilang nagpapakita sa panlabas na anyo. Kaya siguro ang sarap mong panoorin, hindi lang dahil sa kinang mo, kundi dahil kung tinitignan ka namin, ‘di makakaila na sarili kang amin.

Grabe, Ate Guy. Ang sarap kasama ng mga Noranians mo. Sa una, nahihiya pa ako kasi parang “bagong sibol” na Noranian palang ako, habang sila ay iilang dekada nang sumusubaybay sa’yo. Pero nakita ko sa kanila, kung paano sila makipagkwentuhan at makipagtawanan sa akin, na hindi talaga sukatan ang panahon, kundi pagmamahal lang talaga. Sa tingin ko, ganyan kalaki ang mga puso ng mga Noranians dahil labis-labis rin ang pagmamahal na binigay at binibigay mo sa kanila. Nahawa sa iyo.

Halos isang buwan na ang nakalipas mula nang sandaling nagkita tayo. Lutang na lutang pa rin ako. Dati, hindi ko lubos maisip kung bakit may mga taong iniiwan ang kanilang mga trabaho para lang makasama ka at mapagsilbihan. Pero ngayon, kahit may mga paper at report, wala na akong ibang gustong gawin kundi mag-marathon ng mga pelikula mo at manood ng mga dati mong performances sa YouTube. Minsan nga sinasabi ko sa mga kaibigan ko na kung hindi palarin sa kolehiyo, magda-drop out ako at magiging personal assistant mo.

Pero siguro, kahit maging PA mo akong pasunod-sunod sa ’yo, hindi pa rin matatapos ang mga tanong ko, ang mga misteryo.

Okey lang naman ‘yun. In fact, dapat lang. Superstar e.

‘Yan ang religious experience. Himala.

‘Yan ang religious experience. Himala.

Updates

Recent Posts

KALasag sa Twitter

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 1,644 other followers

%d bloggers like this: