Balitaan

OFFICIAL STATEMENT OF USC 2012-2013 ON THE RECENT INCIDENCE OF FRAT-RELATED VIOLENCE

ZERO TOLERANCE

 

Laganap at buhay na buhay pa rin ang kultura ng karahasan sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas. Nitong mga nakaraang araw, nagkaroon na naman ng sunud-sunod na mga insidente ng frat-related violence na naganap sa loob ng kampus ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. 

 

March 15, 2012

May isang hindi pa rin nakikilalang salarin, na may menamanehong sasakyan, ang bigla na lamang huminto sa tapat ng kinapapararadahan ng isang Toyota Corolla. Bumaba at bigla na lamang pinalo ng tatlong beses ang harapang windshield ng sasakyan ng biktima ng hawak nitong baseball bat. Matapos nito ay dali-dali itong sumakay sa kanyang kotse at patungo sa direksyon ng UP Chapel. Ayon sa biktima, wala siyang nalalaman na naging kaaway niya maliban na siya ay miyembro ng isang kilalang fraternity sa campus.

 

March 21, 2012

Habang pabalik sa kanilang Toyota Altis ang tatlong lalaki matapos kumain sa isawan ni Mang Larry,biglang sumulpot ang isang Honda CRV sakay ng mga taong armado ng mga tubo at baseball bat at bigla na lamang silang pinagpapalo at pinagpapalo rin ang kanilang sasakyan. Ninakaw pa mula sa kanila ang Dell laptop na nasa loob ng Toyota Altis. Nagtamo ng sugat ang tatlong lalaki at ang isa sa kanila ay kinailangan pang isugod sa Capitol Medical Center dahil sa malubhang tama sa ulo at likod. Dalawa sa lalaking ito ay miyembro ng isang fraternity.

 

March 26, 2012

Pinagpapalo ng humigit kumulang 4 na kalalakihang armado ng mga tubo sakay ng isang Toyota Revo ang isang Toyota Vios na may sakay na dalawang lalaki at isang babae sa parking lot ng Molave Dormitory. Habang pinagpapalo ang kotse ay agarang itong pinaandar upang makalayo sa suspek hanggang makarating sila sa parking lot ng College of Law upang humingi ng tulong. Ang dalawang lalaking sakay ng Toyota Vios ay miyembro rin ng isang fraternity. 

 

Nakapangingilabot na magpasahanggang ngayon, laganap pa rin ang kultura ng karahasan sa loob ng Pamantasan. Hindi kulong ang isyung ito sa mga involved na partido lamang o sa mga fraternity lamang- isa itong isyu ng buong UP kasama ang mga mag-aaral, propesor, kawani at ang komunidad na nasa loob nito. Kasama tayong lahat sa pagtugon sa isyung ito at kinakailangang makita ng lahat na hindi kailanman katanggap-tanggap ang karahasan sa loob at labas ng Pamantasan. Sa bawat fraternity-related violence na nagaganap, nalalagay sa panganib hindi lamang ang mga fratmen na sangkot kundi maging ang mga inosenteng taong walang kinalaman sa anumang frat. Kailangan itaas ang antas ng kamalayan at palalimin ang pagtingin at pag-unawa na hindi normal at mali ang nagaganap na mga insidente ng frat-related violence. 

 

Sa patuloy na pagsasawalang-bahala ng isyung ito, mananatiling nasa peligro ang buhay at kapakanan ng bawat mag-aaral sa loob ng Unibersidad. Responsibilidad ng administrasyon na masigurong ligtas ang bawat mag-aaral sa loob ng Pamantasan at magbigay ng isang kapaligirang aangkop sa layuning pang-akademikong kagalingan ng Unibersidad. Masidhing tinatawagan ng atensyon ng susunod na University Student Council ang administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas na gumawa ng mga hakbang upang matapos na ang kultura ng karahasan sa loob ng Unibersidad. Kinakailangan na magkaroon ng maayos at malinaw na sistema sa pagtugon sa frat-related violence. Papanagutin ang dapat managot. Hinihimok natin ang administrasyon ng UP na manguna sa pagtawag ng hustisya at katarungan sa mga biktima ng karahasan sa Unibersidad. 

 

Hindi kailanman magtatagumpay ang layong magkaroon ng 0% tolerance sa frat-related violence kung hindi sama-samang kikilos ang bawat isa upang maabot ito. 

 

Tinatawagan ang mga fraternities na balikan ang kanilang oryentasyon bilang kapatiran ng paglilingkod para sa unibersidad at para sa bayan. Hindi katanggi-tanggi ang magandang kasaysayan ng mga fraternities sa pangunguna sa pagbibigay ng iba’t ibang serbisyong tumutulong sa mga tao at sa mga komunidad na nangangailangan. Ang esensya ng pagsasama-sama at pakikipagkapatiran ay hindi kulong sa kasapian nito kundi lumalabas hanggang sa ibang organisasyon, hanggang sa pamantasan, hanggang sa bayan. Masidhing hinihimok ang mga fraternities na ialay ang kanilang mga lakas, pwersa at mga rekurso sa ikauunlad ng pamantasan at ng bayan.

 

Sama-sama nating wakasan ang kultura ng karahasan sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, at ipaglaban ang kalidad na edukasyon at seguridad sa pamantasan na karapatan nating lahat. Tutulan natin ang anumang porma ng karahasan o pang-aabuso, sa loob o labas man ng pamantasan.

 

 

*lahat ng impormasyon na nakasaad dito ay mula sa reports ng UPD Police

 

By USC Diliman

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

One thought on “OFFICIAL STATEMENT OF USC 2012-2013 ON THE RECENT INCIDENCE OF FRAT-RELATED VIOLENCE

  1. Upsilon sigma phi may kagagawan nito

    Posted by Anonymous | June 15, 2012, 12:59 AM

BREAKING NEWS | FACEBOOK

KALasag sa Twitter

Error: Twitter did not respond. Please wait a few minutes and refresh this page.

%d bloggers like this: