Balitaan

Salamat at Paalam, Dolphy

Matapos ang ilang linggong pag-iingay ni “King of Comedy” Dolphy sa halos lahat ng Media outlet sa bansa, tuluyan na nga nitong iniwan ang industriyang kanyang inikutan ng mahigit limang dekada.

Hindi matatawaran ang naging ambag ni Rodolfo Vera Quizon o mas kilala natin sa pangalang “Dolphy“. Sa edad na 83, hindi na kinaya ng katawan ng artista ang sakit na dinadaing na dala narin ng katandaan.

Artwork credits to Warren Espejo

Hinubog ang talento ni Dolphy ng una itong magtanghal sa entablado noong panahon ng pananakop ng Hapon. Una siyang lumabas sa pelikulang Dugo at Bayan (I Remember Bataan) sa edad na 19 kasama ang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. Matapos nito, hindi naging mailap ang kamera para sa kanya. Nagsunod-sunod ang kanyang mga pelikulang tumabo sa atensyon ng masa. Ilan dito ang nagbigay sa kanya ng karangalan at natatanging pagkilala para sa pagtatanghal sa pelikula tulad na lamang ng Once Upon a Time, Kalabog and Bosyo Once Again, John and Marsha ’77, Tansa VS, Tarsan, Tulak ng bibig, kabig ng dibdib, Home Along The Riles The Movie, Aringkingking, Father Jejemon at Rosario. Sa tinagal nya sa Pelikulang Pilipino, nagampanan na nya yata ang lahat ng karakter ng bawat mamamayan sa mahigit 150 na pelikula na kanyang napagbidahan; nandyan ang naging bakla sya, pulis, magnanakaw, ama, tumayo bilang ina, super hero, driver, at simpleng kaibigan.

Hindi maitatangging naging mas malapit pa sa puso ng mga Pilipino ng pinasok ni Dolphy ang pag-arte sa telebisyon matapos syang magkaroon ng iba’t-ibang sitkom sa Philippine TV. Naging mas malapit sya sa masa at mas minahal ng mga mamamayang.

Masasabi na ngang naging malaking ponemena si Dolphy sa Industriya ng pag-arte sa Pilipinas. Isang sikat at kilalang artista na nag-ambag ng malaking pagbabago sa Philippine Cinema. Ngunit kung ano ang kanyang kasikatan, ganoon din sya naging kalapit sa mga isyu at kontrebersiya. Naging malapit sa mga kababaihan. Hindi maitatagong nagkaroon siya ng maraming karelasyon na nagbunga naman mga supling na hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ay pinasok din ang mundong kanyang ginalawan.

Artista ng Bayan. Ulirang Ama. Malaki na nga ang tinakbo ng pelikulang Pilipino. At hindi kayang itago na sa likod ng tagumpay ng bawat palabas sa sinehan, masasabing mayroong Dolphy na nag-ambag kung papaano ito lumago at patuloy na umuunlad.

Nawala man ang katawang lupa ng Hari ng Komedya, hinding-hindi magtatago ang mga telon para sa mga pelikulang kanyang kinabilangan. Saksi ang bawat pilantik ng kamera at ikot ng rekorder kung papaano si Dolphy naging parte ng buhay ng bawat mamamayang Pilipino.

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.

BREAKING NEWS | FACEBOOK

KALasag sa Twitter

Error: Twitter did not respond. Please wait a few minutes and refresh this page.

%d bloggers like this: