Balitaan

PANGAKONG NAPAKO: Isang pagtatasa sa dalawang taong panunungkulan ni Benigno Simeon Aquino III

Sa Pagsugpo ng Kahirapan

Unang kwarto ng taon nang iulat ang 6.3% na pagtaas ng Gross Domestic Product, lagpas sa target batay sa Philippine Development Plan (PDP) 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Ngunit para lang sa mga malalaking negosyante ang pagbuti ng kalagayan ng ekonomiya. Nitong Marso, umabot sa 32.4% ang walang trabaho katumbas ng 13.8 milyong manggagawa.

Pinakamalala ang kahirapan sa ilalim ng administrasyong Aquino kumpara sa mga nagdaang rehimen. Ang average unemployment rate sa unang dalawang taon ni Aquino ay 26.8%, higit na malaki kaysa 19.6% ni Arroyo, 9.2% ni Erap, ayon sa survey ng Social Weather Station.

Imbes na lumikha ng trabaho, pawang pamatidgutom ang solusyon ng rehimeng Aquino. Halimbawa ang Conditional Cash Transfer (CCT) na prayoridad sa badyet, mula P12 bilyon noong 2010, halos dumoble ito sa P23 bilyon noong 2011 at umakyat pa sa  P39 bilyong ngayong 2012. Kung tutusin ay paglustay ito ng pambansang badyet at walang pang-matagalang lunas sa kahirapan ang pamahalaan-manipestasyon ng hindi sinserong paglutas sa problema ng bansa.

Dagdag sa atrasadong ekonomiya ang lumulobong utang panlabas ng bansa. Mula P4.7 trilyon noong 2010 ay umabot sa P5.1 trilyon ngayong taon, pinakamataas sa kasaysayan. Lapat sa mandato ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB) ay inilaan ng administrasyon ang P738.6 bilyon, katumbas ng 85% ng kabuuang kita ng gobyerno ng nakaraang taon.

Sa usapin ng langis, kimid-balikat pa rin ang pamahalaan sa pagbabasura ng Oil Deregulation Law na nagbibigay laya sa mga kartel ng langis (Shell, Petron at Caltex) na magdikta ng labis na tubo sa mga produktong petrolyo. Nitong Mayo, napako sa P7.80 kada litro na overpriced ang Diesel. Samantala, nasa 61-71% ang patong sa presyo ng krudo dulot ng  manipulasyon at pandaigdigang monopolyo.

Sa Paglabag sa Karapatang Pantao

Higit na tumaas ang bilang ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa, kapansin-pansin ito sa mga lugar kung saan mataas ang bilang ng deployment ng militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Sa mga unang buwan ni Aquino bilang pangulo, isang indibidwal sa bawat linggo ang biktima ng paglabag sa karapatang pantao, higit pa sa bilang ng mga biktima sa mga unang buwan ni Arroyo sa katungkulan. Umabot na sa 76 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang at 96 ang biktima ng tortyur. Umabot na rin sa mahigit 350 ang bilang ng bilanggong pulitikal sa bansa tulad nina Ericson Acosta, Maricon Montajes at Randy Malayao, mga dating peryodistang pangkampus.

Samantala, sa taya ng Demolition watch, may 16,000 pamilya  sa 20 komunidad ang naging biktima ng marahas na demolisyon sa Metro Manila. Ngayong taon naiulat ang dalawa sa pinaka marahas na demolisyon, gaya ng naganap sa Corazon De Jesus sa San Juan noong Enero kung saan tinatayang 50 ang nasugatan at 2000 pamilya ang walang habas na tinanggalan ng karapatan sa paninirahan.

Hindi parin napapanagot ang nagdaang administrasyon sa 1,206 kaso ng pampulitikang pamamaslang at 206 na sapilitang pagdukot.  Malaya paring nakagagalaw ang mga salarin tulad ng dating Maj.Gen. Jovito Palparan na tinaguriang “berdugo” ng mga progresibong organisasyon.

Sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon

Imbes na itaas ang badyet sa sektor ng edukasyon sa bansa, dagdag pasakit pa ang nakitang sagot ng pamahalaan sa pamamagitan ng K to 12 program. Nanatiling nasa laylayan ng prayoridad ng pangulo ang sektor ng edukasyon, mas pinagtuunang pansin ng pamahalaan ang militarisasyon at pambayad utang panlabas.

Binansot rin ng pamahalaan ang kakarampot na badyet ng mga state universities and colleges sa bansa, mula sa 1.816 trilyong pondo ng pamahalaan, 21.8 billion lamang ang inilaan para paghahati-hatian ng lahat ng pampublikong pamantasan at kolehiyo.

Sumatutal, katiting na 2.2% lamang ng Gross Domestic Product ng Bansa ang nilimos ng administrasyong Aquino sa sektor ng edukasyon, malayong malayo sa 6% na rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO).

Sa serbisyong pangkalusugan

Kung binarat ang sektor ng edukasyon, halos binalewala ng pamahalaan ang kalusugan ng mamamayan, kakarampot na P42 bilyon o 0.5% ng GDP ng bansa lamang ang inilaan ng pamahalaan para sa kalusugan ng mahigit 90 milyong Pilipino, higit na malayo kumpara sa 6% na rekomendasyon ng World Health Organization.  Ito’y sa kabila ng tumataas na bilang ng namamatay sa panganganak at lumalalang kakulangan sa ospital sa bansa.

Iniluwal ng kakapusan sa badyet pangkalusugan ang patuloy na pagtaas ng bayarin sa mga pampublikong hospital. Bagaman bumababa ang mortality rate, marami pa rin ito kumpara sa mga kalapit na bansa. Nakapako pa rin sa parehong antas ang mga kaso ng still birth o batang iniluluwal ngunit patay na, o kung mabuhay man ay hindi nagtatagal o lumalampas sa panahong inaasahan.

 

From College Editors Guild of the Philippines Website
www.cegp.org

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.

BREAKING NEWS | FACEBOOK

KALasag sa Twitter

  • The assembly is adjourned. #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • The body selects Raoul Manuel as the next Student Regent via consensus. #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • UP Visayas selects via consensus: 1st Nominee: Raoul Manuel 2nd Nominee: Omid Siamard 3rd Nominee: Josiah Hiponia #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • UPM SHS Palo selects via consensus: 1st Nominee: Raoul Manuel 2nd Nominee: Omid Siamard 3rd Nominee: Josiah Hiponia #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • UP DEPP selects via consensus: 1st Nominee: Raoul Manuel 2nd Nominee: Omid Siamard 3rd Nominee: Josiah Hiponia #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
%d bloggers like this: