Balitaan

SONAngalingan: Mga Ilusyong pagbabago ng hunyangong Pangulo

 

Pahayag ng College Editors Guild of the Philippines

Tunay ngang napakaganda ng mga inilahad ni Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa kanyang SONA nitong nakaraang linggo, ang problema nga lamang ay hindi natin alam kung anong bansa ang tinutukoy niya.

Ang state of the nation address o SONA ang taunang pagtitipon ng mga naghaharing uri sa Pilipinas kung kailan sinusubukan ng pangulong bumanggit ng pinakamaraming kasinungalingan, sa lagay ngayon sa loob ng mahigit isang oras.

Tulad ng inaasahan ng taong bayan, hindi nanaman nagtugma ang tinalakay na katayuan ng bansa sa konkretong kalagayang nararamdaman ng mamamayan.  Ipinamandila ang 6% na pagtaas ng Gross domestic product ng Pilipinas na puros malalaking kapitalista lamang ang nakinabang, pagtaas ng ekonomiyang hindi man lang naramdaman ng masang anakpawis.

Ipinagmalaki pa ang pagpapatupad ng K to 12 program na lalong nagpahirap sa mga maralitang magulang. Sa kasalukuyang estado ng ating bansa, hinding hindi angkop ang k-12 na naglalayon lamang tugunan ang malaking pangangailangan sa murang lakas paggawa ng mga dambuhalang ekonomiya ng mga kanluraning bayan. Hinahasa lamang nito ang kabataang Pilipino upang maging alipin ng mga banyaga, tulad ng marami pang napilitang umalis ng bayan dulot ng kawalan ng nagsasariling industriya ng Pilipinas.

Isa rin sa mga tampok na tinalakay sa SONA ang pagpapanagot sa mga nagkasala noong nakaraang rehimen, ngunit matapos ang dalawang araw, pinakawalan ang pinakamasahol na mamatay tao sa ating bayan, si Gloria Macapagal Arroyo (GMA). Halatang halata na pinapaasa lamang ng kasalukuyang administrasyon ang mamamayan na makakamit ang hustisya mula sa pandudusta ni GMA. Sina James Balao, Randy Malayao, Maricon Montajes at Benjaline Hernandez ay ilan lamang sa mga mamahayag pang-kampus na naging biktima ng Extra-Judicial killings, desaparecidos at mga detinidong pulitikal na hanggang ngayon ay hindi parin nabibigyang katarungan.

Bukod sa hindi pa napapanagot ang mga nagkasala noong nakaraang administrasyon, ipinagpatuloy pa ng administrasyong Aquino ang “culture of impunity” sa bansa. Laganap ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Oplan Bayanihan, isang iskema ng paniniktik at pagkakampihan ng iba’t ibang kagawaran ng administrasyon, panloloko at walang habas na paglabag sa mga karapatan ng mamamayan sa kumpas ng Armed Forces of the Philippines.

Samantala, ang dagdag na pondo sa mga State Universities and colleges ay isang bogus na naglalayon ng tuluyang paglugmok sa komersalisasyon ng edukasyon. Nagbigay ng patakaran ang Malacanang na ang mga pamantasan at kolehiyong mabibigyan ng dagdag ng budget ay yun lamang magpapaigting ng mga programang lapat sa global market. Samakatuwid, inaasahang ang 32.7 bilyong piso na inilaan sa mga SUCs ay para sa lalong pagpapaigting ng neo-liberal policies na sinusunod ng gobyerno sa kumpas ng Estados Unidos. Hindi ito ang kailangan ng kabataan, bagkus ay ang pagpapataas ng kalidad ng nabubulok na ngang edukasyon ay lalo pang inaabandona ng pamahalaan.

Wala namang nabanggit ang pangulo ukol sa usapin ng lumalalang pananamantala ng mga dayuhan sa ating mga kababayang migrante sa ibang bansa. Ipinapako ang mga suliraning kinakaharap ng mga OFWs, tuluyang pagtalikod sa kapakanan ng mga bagong bayani, na ang ilan ay nasa bingit ng hatol na kamatayan o biktima ng karahasan sa kamay ng mga banyagang amo.

Hindi rin nagkaroon ng malinaw na resolusyon o plano ukol sa pagpapamahagi ng Hacienda Luisita at repormang agraryo ang pangulo. Bagaman nagdesisyon na ang korte supremang ipamahagi ang haciendang matagal nang pinaghugutan ng yaman ng pamilya Cojuangco, hindi parin lubos ang tagumpay ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Patuloy paring naghahabol ng mas malaking kabayaran ang pamilya, na sukdulang humingi ng 10 bilyong kabayaran sa mga magsasaka para sa mahigit 6000 ektaryang lupain na buong buhay nang dinilig ng dugo ng mga manggagawang bukid.

Pinatutunayan lamang ng pamahalaang Aquino ang hindi pagiging sinsero nito sa paglutas ng mga isyung panlipunan. Hindi na sasapat pa ang pagdaluyong lamang sa lansangan ng mga kabataan at iba’t ibang sektor, bagkus ay patuloy nating ipanawagan ang tunay na pagbabagong panlipunan.

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.

BREAKING NEWS | FACEBOOK

KALasag sa Twitter

Error: Twitter did not respond. Please wait a few minutes and refresh this page.

%d bloggers like this: