Balitaan

Bisikleta

Jenea Santos at Nicko de Guzman

Inggit na inggit ako sa kapatid kong si Tristan. Buti pa siya masaya, malayang nakikipag karerahan sa mga binatilyo at dalagitang siklista sa labas. Walang tigil sa pagpedal at pagmaniobra ang aking kapatid at iba pang mga siklista sa kanilang bisikleta.

Nililipad ang kanilang suot na damit habang nakikipagpaligsahan sa bilis ng hangin. Kainis! Gusto ko ring matutong magbisikleta katulad ni Tristan. Gusto ko ring makipagkarerahan sa mga kaedad ko. Kaya lang ayaw ni mama.

Tutol na tutol si mama na magbisikleta ako. Noong ika-pito kong kaarawan, nagalit si mama dahil niregaluhan ako ni papa ng kulay rosas na bisikleta. Ang ginawa ni mama, binalik niya sa mall ang bisikleta at pinapalitan niya ng kitchen set.

“Delikado ang pagsakay sa bisikleta, bawal sa bata.” Pangaral sa akin ni mama. Nagmukmok na lang ako sa kwarto.

Noong pasko na, niregaluhan ni papa si Tristan ng kulay pulang bisikleta at ako, doll house. Tinabi ko ang doll house at nagtaka. Nagtaka ako dahil hindi nagalit si mama kay papa. Hindi ipinapalit sa mall ang bisikleta. Tinuruan pa nga ni papa ang kapatid ko kung paano iyon patakbuhin at balansehin. Sa sobrang pagseselos, lumapit ako kay mama.

“Ma, bakit si Tristan pwedeng mag-bike? Ako, hindi pwede. Pareho naman kaming bata, dapat pareho kaming hindi pwede. Mas matanda nga ako sa kanya ng dalawang taon, e.”

“Kasi lalaki si Tristan, anak. Delikado ‘yan sa babae.”

Hindi pala dahil bata ako, dahil babae ako kaya hindi ako pwedeng magbisikleta.

“E, bakit delikado?”

“Basta!”

Masama man ang loob ay hindi na ako umimik pa. Tiyak na pagagalitan lang ako kapag sumagot pa ako sa kanya. Alam kong hindi naman totoo iyong sinasabi ni mama na panlalaki lang ang bike. May mga babae naman akong nakikitang nagba-bike sa telebisyon. Nagpunta ako sa may garahe. Tinitigan kong magbike si Tristan. Nang mapagod, pumasok siya ng bahay.

Sinubukan kong umangkas sa bisikleta. Pagewang-gewang ang manibela dahil hindi ako marunong magmaniobra. Matagal-tagal din bago ko natutunan balansehin ang bisikleta. Sa una, mabagal lang ang pagtakbo. Pero habang tumatagal, nilakasan ko ang loob ko at binilisan pa ang pagpedal. Paikot-ikot ako sa malaking garahe namin. Ang sarap sa pakiramdam. Wala naman palang masama.

Biglang bumukas ang pinto ng bahay, si mama. May nakalimutan pa pala akong aralin: ang paghinto sa bisikleta. Nawala ang balanse ko at natumba ako sa bike. Dali-dali akong pinuntahan ni mama. Itinayo niya ako, pinagpag ang dumi sa damit at pinabukaka. Tiningnan niya ang nasa gitna ng dalawa kong hita, parang may hinahanap.

“Wala bang masakit, anak?” tanong ni mama habang ineenspeksyon ang puti kong shorts.

Umiling ako.

“Sigurado ka, anak? Walang masakit sa pagitan ng mga hita mo? Diyan sa flower mo?” Flower? Flower pala ang  tawag diyan. Ito palang flower ang pinoproblema ni mama. Ano namang kinalaman ng “flower” ko sa pagbibisikleta?

Habang sinesermonan ako ni mama, masaya ako dahil natuto at naranasan kong magbisikleta. Nang gabing ‘yon, nakatulog ako nang may ngiti sa labi habang hinahangad ang susunod kong engkwentro sa pagbibisikleta.

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.

BREAKING NEWS | FACEBOOK

KALasag sa Twitter

Error: Twitter did not respond. Please wait a few minutes and refresh this page.

%d bloggers like this: