Balitaan

EDITORYAL: Pasko na naman

dibuho ni Periwinkle Cajiuat

dibuho ni Periwinkle Cajiuat

Pasko nga na namang muli pero marami pa ring kahilingan ang kailangan matupad ng gobyerno. Sa pagtatapos ng taon, huwad ang kasiyahang idudulot ng Pasko para sa mga Pilipino.

Para sa marami, pera na naman ang punong pinagkakaabalahan ngayong Pasko. Masisilaw na naman ang mga tao hindi lang sa kumikinang na mga parol sa kalsada kundi pati sa mga malulutong na pera. Kaliwa’t kanan ang mamahaling kape at doughnut, habang taas-baba ang mga presyo ng mga bilihin. Ang mga mamamayan naman ang kawawang naiiwang windang sa lahat ng kaguluhang ito. Pero, ang tanong: sa Pasko nga lang ba tayo nagkakaganito?

Sa panahon ngayon na pati saluwal ng imaheng sanggol na Hesus sa belen ay kailangan Pampers ang brand, hindi natin maikakaila ang patuloy na paglaki ng impluwensya ng komersyalismo sa lipunan. Ang Pasko na panahon dapat ng pahinga at pag-asa ay nagiging panahon ng problema dahil sa komersyalisasyon. Problema dahil kailangan bago ang suot na damit, hindi pwedeng mawala ang ham at tinapay sa mesa, at laging may bago ang regalo sa kris kringle.

Sapagkat kinondisyon na ng namamayaning midya ang mga praktika ng Pasko, hindi maikakailang kailangang nasasabay tayong mga artista ng bayan sa agos ng kultura ng kapital at konsumerismo. Kung tutuusin, sa pera na ba talaga nasusukat ang halaga ng Pasko?

Kitang-kita ang impluwensya ng komersyalismo hindi lang sa Pasko pero sa ibang hanay ng lipunan gaya ng edukasyon. Dahil sa komersyalismo, inililinya ang sektor ng edukasyon bilang “investment” at pribiliheyo.

Sa ilalim ng K to 12 ng Department of Education at CHED Memo. 20, series of 2013 ng Commission on Higher Education, napapairal ang tinatanaw na dulo ng edukasyon, bilang mga semi-skilled na manggagawang aayon sa profit-based na sistema ng edukasyon ng Pilipinas. Ang pagluwal ng mga kabataang “cheap labor” at may mga kolonyal na mentalidad ay hindi lang kabastusan kung hindi isang karahasan sa kamalayan. Ang paglapastangan sa sariling wika at pagmamaliit sa kakayahan ng mga Pilipino ay isang malaking pagkakamali sa bahagi ng pamahalaan.

Bukod pa riyan, hindi rin maisasantabi ang patuloy na pagbaba ng badyet para sa edukasyon. Naging pribado na rin ang dapat na pampublikong mga tren. Wala pa ring hustisya sa kamatayan ni Jennifer Laude dahil sa patuloy na pamamalagi ng mga militar ng US. Palyado ang mga bunk houses na sinira ng bagyong Ruby sa Tacloban para sa mga nakaligtas noong bagyong Yolanda. Dito natin maitatanong: ano nga ba talaga ang prayoridad ng gobyerno sa Pilipinas? Ang pagsilbihan ang mga dayuhan at ang 0.1% na mayayaman bago ang masa? Kailangan bang pagkataas-taas ang bayaran para sa “daang matuwid” na publiko naman ang makikinabang?

Sa esensya, ang Pasko ay praktikang may simbolikong pag-asa ng pagbabago ng lipunan. Huwag nating hayaang masayang ito sa pagiging isang lipunang patuloy na nasisilaw at nagpapa-api sa salapi. Sa likod ng kasiyahan ngayong Pasko, sikapin nating ihanda ang ating mga sarili tungo sa isang bagong taon na may kritikal na pag-iisip at pagkilos.

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.