Balitaan, Kultura

Ikot-ikot lang: Ang Danas sa Beyblade ni Jarin

Natatandaan mo pa ba ang unang beses mong nilaro ang Beyblade? Ang walang sawang pagpihit ng mahabang stick ng plastik na pinaikot ang trumpo ng ating kabataan?

Sa paglalaro, may sandali ng pagmumuni bago muling paikutin ang Beyblade. Sa bawat pag-igtad nito’y paghawi sa lupa. Parang buhay ng tao, palaging humahawi sa lupa, paikot-ikot lang kung saan dalhin ng agos patungo sa rurok, hanggang sa makamit ang isang huling pag-ikot, at titigil na.

Unibersal ang Beyblade sa baul ng karanasan ng bawat kabataang nahumaling sa nasa ng pag-ikot. Subalit tulad ng ibang uri ng nasa, laging may kapalit itong pait at kirot. Para kay Ferdinand Pisigan Jarin, (a.k.a. Sir Ferdie), ang Beyblade ay isang alaalang may “kurot sa puso na pinong-pino” (“Baclaran”).

‘Isa, dalawa hanggang lima. Makukulay na Beyblade. Pula, itim, asul, berde, pilak, ginto, dilaw-basta sari-saring kulay. Gawa man sa plastik o bakal, basta may Beyblade na mabibili ng Sabado.’ (‘Anim na Sabado ng Beyblade’)

Sa kanyang Anim na Sabado ng Beyblade, isang koleksyon ng mga sanaysay na alay sa kanyang anak na si Rebo, minapa niya ang isang paglalakbay ng isang lalaki mula sa pagiging apo, anak, mangingibig, service crew, guro, asawa, at ama.

Mula sa kanyang simpleng pinagmulan bilang miyembro ng banda sa probinsyang bayan ng Quinabuangan (“Quinabuangan” at “D’Pol Pisigan Band”), sa pagsuong niya sa danas ng isang pampublikong hayskul sa Guadalupe dito sa Maynila (“Barko”), hanggang sa kanyang mga pinagdaanang hirap sa kolehiyo bilang palipat-lipat na service crew sa mga fast food (“Service Crew”), bilang binatang ama na humarap sa maagang paghihiwalay at ang tanging inuwian ay mga kaibigan ng mga baklang ka-boarder sa Baclaran (“Baclaran”), at bilang ama na maagang humarap sa dagok ng sakit ng kanyang anak na may leukemia (“Anim na Sabado ng Beyblade”). Pinalilipad ni Jarin ang mga mambabasa sa makukulay na eskinita ng isang personal na kasaysayan.

10411297_10152824236470498_4404807899328212805_n (1)

Sa kanyang Anim na Sabado ng Beyblade, isang koleksyon ng mga sanaysay na alay sa kanyang anak na si Rebo, minapa niya ang isang paglalakbay ng isang lalaki mula sa pagiging apo, anak, mangingibig, service crew, guro, asawa, at ama.

May gaan sa pagbaybay ng mga alaala na para bang kainuman, katropa, kabarkada, o kuya ang nakikipag-usap na persona. Nagtatapos ang bawat kwento sa isang sentimental na kurot, ‘yung espasyo sa ating mga puso na tanging tunay na buhay lamang ang magpapatotoo. Iniiwan ng bawat sanaysay ang mensahe ng pagtayong muli, ng pagbabalik, at ng pagtanggap sa mga hindi na mababawi pang nakaraan.

Simple lang ang pagkakakilanlan: magsasalubong, magkakadikitan, at magkakahiwalay, itong pinakahuli ang pinakamasalimuot. Bilang ang alaala ay isang pabago-bagong espasyo, maituturing na may subheto itong pagkiling.

Maaaring hulmahin ng manunulat ang kanyang danas sa pinakapersonal na adhikain. Subalit, sa maraming naisulat na memoir sa bansa, laging umaalpas sa makasariling kumbensyon ang mga manunulat na Filipino.

Bago ang koleksyon ni Jarin, may ilang manunulat sa Filipino ang nagsulat na rin ng memoir. Nariyan ang Rebanse (1991) ni Lamberto Antonio, Personal (1999) at (Im)Personal (2006) ni Rene O. Villanueva, ABNKKBSNPLAK (2001) ni Bob Ong, Isang Napakalaking Kaastigan (2008) at A-Side B-Side (2009) ni Vlad Bautista Gonzales, at Almanak ng Isang Aktibista (2011) ni Roland B. Tolentino, ani Prop. Romulo Baquiran Jr. ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.

Gayunpaman, hindi maitatatwa ang ambag ng Beyblade sa panibagong direksyon ng memoir, bilang isang espasyo ng pagbuo, pagkakakilanlan, paggalugad, at pagpapalalim upang mawasak ang pangkaraniwang konsepto ng buhay, ideya, paniniwala, at alaala ng komplex na ordinaryong tao.

‘Kahit pa sabihing mas bata ang kanilang edad at may mga libangang pang-kanila lang…pinalalago din sila ng mga nangyayari sa trabaho.’ (‘Service Crew’)

Una kong nakilala si Sir Ferdie noong Hulyo 2013 sa book launch ng Anim na Sabado ng Beyblade sa Philippine Normal University. Aniya, malaki ang impluwensya ng social media sa kabataan ngayon at ito ang kanyang ginawang lunsaran sa pagsusulat ng Beyblade.

“Kung titingnan mo ang social networking, sa mga post pa lang, alam mo na gusto nilang magpakilala, so para sa akin bakit hindi isulat ang mga karanasan ko. Hindi naman sa pagmamayabang pero gusto [kong] makilala nila ang mga karanasan ko na nag-eexist pala para magkaroon sila ng lakas ng loob na pwede ko naman palang isulat ang karanasan ko na walang halong sopistikasyon,” aniya.

Positibo ang resepsyon sa kanyang koleksyon lalo nang ginawaran ito ng 2014 Best Book of Non-Fiction in Filipino Language sa 33rd National Book Awards, at finalist sa katatapos lamang na 14th Madrigal Gonzales Best First Book Award mula sa Likhaan Institute of Creative Writing.

Mapalad akong nakausap sa isang panayam si Sir Ferdie. Tunghayan ang kanyang karanasan bilang isang propesyunal na manunulat.

J: Bakit ka nagsusulat?

Sir Ferdie (F): Nagsusulat ako para magpahayag ng aking mga pananaw sa mundo gamit ang sensibilidad ko bilang karaniwang tao. Nais kong itampok ang mga danas ng katulad kong karaniwang tao sa aking mga akda. Ang kanilang pananaw mula sa lente ng aking pagka-alala, pangarap at obserbasyon. Nais kong itampok na ang mga danas, kaisipan at mga pangarap na ito ay intelektuwal at may malaking bahagi sa pambansang diskurso.

J: Paano mo napananatili ang motibasyon sa pagsusulat?10407948_10205434735568054_3370318113262702112_n

Sir Ferdie (F): Ang motibasyon ko ay ang mga paksang nasa isip ko na nais kong maisulat at mailimbag. Higit sa lahat, nais kong makaabot sa mas malawak na mambabasa ang aking mga pananaw kaya patuloy akong nagsusulat.

J: Anu-ano ang mga bagong paksa ang bibigyan mo ng buhay sa mga susunod na akda?

Sir Ferdie (F): Sinusulat ko uli ang isang libro ng mga sanaysay na magtatampok naman sa aking pagkabata sa isang di kilalang bayan ng Candelaria, Zambales. Gusto kong itampok ang sensibilidad ko bilang probinsiyano, lalo na ang sensibilidad ng bayang iyon.

*Si Ferdinand Pisigan Jarin ay kasalukuyang guro ng Agham Panlipunan at Filipino sa Philippine Normal University (PNU)-Manila. Awtor siya ng pambatang-librong “Si Lorkan, ang Matulunging Butanding” (2002) ng UNICEF/Tahanan Publishing, naging script-contributor ng programang Batibot at Koko Kwik Kwak, at nagawaran ng Don Carlos Palanca Memorial Award for Literature para sa dulang “Sardinas” (2001) at mga sanaysay na “Anim na Sabado ng Beyblade” (2005) at “D’Pol Pisigan Band” (2010). Ang kanyang koleksyong “Anim na Sabado ng Beyblade” ay ginawaran ng 2014 Best Book of Non-Fiction in Filipino Language sa 33rd National Book Awards, at finalist sa 14th Madrigal Gonzales Best First Book Award ng Likhaan Institute of Creative Writing.

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.

BREAKING NEWS | FACEBOOK

KALasag sa Twitter

  • The assembly is adjourned. #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • The body selects Raoul Manuel as the next Student Regent via consensus. #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • UP Visayas selects via consensus: 1st Nominee: Raoul Manuel 2nd Nominee: Omid Siamard 3rd Nominee: Josiah Hiponia #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • UPM SHS Palo selects via consensus: 1st Nominee: Raoul Manuel 2nd Nominee: Omid Siamard 3rd Nominee: Josiah Hiponia #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
  • UP DEPP selects via consensus: 1st Nominee: Raoul Manuel 2nd Nominee: Omid Siamard 3rd Nominee: Josiah Hiponia #SR2016@kalasag_cal@yahoo.com 4 months ago
%d bloggers like this: