Kultura

Isang bukas na liham: Para sa nasa gilid,

Isang bukas na liham

Isinulat ni: Angelika Lacsina

IMG_9004

Dibuho ni: Eryn Anonuevo

 

Para sa nasa gilid,

 

Alam kong nararamdaman mo ang agitasyon. Unti-unti mula sa pagtibok ng puso, pag-init ng pakiramdam at pangingilabot sa galit.  Kumakawala. Gusto mo ring maisatinig o maisulat. Kahit ano na, ‘ika mo. Dahil gusto mo silang bigyang-boses na siyang ikinaaalangan mong maibahagi. Ayaw mo itong mawala.

Ngunit, kaakibat ng mga pakiramdam mong nabanggit, ay kalituhan at takot.

Hindi ka iba sa kanila, parte ka ng masa at ito ang pinanghahawakan mo. Habang nakatiklop ang iyong kamao,

Sa mga nakita mong magsasakang umiiyak, humihingi ng tulong mula pa sa nayon, binibigyang-liwanag ka nila mula sa mga bagay na di sa iyo pinakikita. Pasasalamat lagi ang iyong bulong mula sa pawis at dugo ng pagkaing inihain nila.

Sa mga biktima ng pagpatay mula sa mga paratang na nanlaban.

Ginigising ka ng panawagan. Mula sa mga karatulang sinulatan para sa ipagsigawan sa daan at mga karatulang isinabit sa mga pinatay ng estado sa lansangan. Paghingi lagi ng tawad ang iyong bulong mula sa pawis at dugong umagos nang biglaan.

Sa mga manggagawang di pa rin regular at walang tamang pasahod. Pinababangon ka nila sa mga kahaharapin mong pagsubok sa yugto ng buhay. Pagbanggit ng mga sana ang iyong bulong mula pawis at dugong kinuha sa kanila ng mga ganid na kapitalista.

Alam kong gusto mo ring isatinig ang, “Imperyalismo, ibagsak! Burukrata-kapitalismo, ibagsak! Pyudalismo, ibagsak!” Sapagkat ginising ka ng edukasyong hindi mo nakuha sa apat na sulok kaya nalaman mong ang kalaban at marapat na wakasin ay ang tatsulok.

Ikaw na nasa gilid, pikit-mata kang lumaban habang ika’y namumulat. Sumentro ka at ang nakatiklop na kamao ay iyong itaas. Unti-unti rin ang iyong pagkilos. Ang mga pinanghahawakan mo ang gigising para maramdaman din ito ng mga natutulog. Mula sa iyong danas ay hindi ka na bubulong. Makasisigaw ka na rin sa damdaming kumakawala sa iyo. Hindi ka mawawala sapagkat marami ang nakikibaka para sa isa’t isa at iisang damdamin.

Hindi ka na mag-aalangan at alam kong di mo hihintaying magwagi pa muli ang mga naghahari.

Hindi ka iba sa kanila, lagi tayong parte ng masa. Ang pagkilos ang lagi mong panghahawakan. Habang nakataas ang iyong kamao sa nalalapit na rebolusyon at kalayaang maisasakatuparan.

Nagmamahal,

Ang iyong kasama hanggang sa tagumpay

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.