Lathalain

SA LIKOD NG MGA KARATULA, BANDILA, AT BALATENGGA

Isang eksklusibong panayam kay Alicia Lucena

Laki sa kabulaanang ang pambubugbog ay anyo ng pagmamahal, tiniis na raw ni Alicia ang pagmamaltrato at pandarahas sa kaniya ng ina sa loob ng mahabang panahon. Ngayon, may bakas pa rin umano ang sugat niyang mula sa makakapal na patpat, basong babasagin at mabibigat na kamay. Bagaman nagsimula nang maghilom ang ilan sa mga ito, nananatiling may peklat ang puso ng nasabing aktibistapeklat mula sa taong inasahan niyang unang magtatanggol sa kaniya.

Bata pa lamang si Alicia, nakararanas na raw siya ng pisikal at mental na pang-aabuso mula sa mga magulang. “Buong buhay ko, akala ko, normal lang ‘yong bugbog sa bahay, na normal lang ‘yong masaktan, normal lang na paluin ako nang sobra sobra dahil may ginawa akong mali,” salaysay niya sa isang panayam kasama ang KALasag. 

Hindi pa umano nagbago ang kaniyang pananaw hanggang sa pagtapak niya sa ika-siyam na baitang. Nakilala niya ang mga kaibigang itinuring niyang tahanan; mga taong malayang naisasalaysay ni Alicia ang kaparehong kuwentong ibinubulong niya sa unan tuwing gabi, kung kailan hindi siya pinupuntirya ng inang babad sa social media. 

“Nagkaroon ako ng mga friends na nakakaintindi ng abuse na naging sandalan ko ng emotional support, physical support,” kuwento niya.

“Tunay na pagmamahal talaga na hindi abusive, hindi mapanakit, hindi ako sasaktan  tapos nothing but love lang nararamdaman ko nung panahon na yun.”

Sa paglipas ng panahon ay napalagay siya sa mga ito at napagtantong may pagmamahal palang hindi mapanakit at hindi nagbibigay-takot. Dito nagsimulang unti-unting magsalita si Alicia sa kaniyang magulang tungkol sa sariling karapatanna sa pagdating ng panahon pala’y magiging susi ng kaniyang pagtindig para sa karapatan at kalayaan ng karamihan.

BAYANI NGA BA?

Lumipas ang dalawang taon at tumuntong si Alicia sa Senior High School. Bilang isang bagong Tamarraw, malaki ang kuryosidad niya sa mga nagaganap sa kapaligiran. Bitbit ang pag-asa sa bagong yugto ng kaniyang buhay, unti-unting namulat sa mga isyung sosyo-pulitikal si Alicia. Kasabay nito ay ang patuloy niyang pamamayagpag bilang isang natatanging estudyantena ayon sa salaysay niya’y bunga ng takot na hindi matuwa ang kaniyang ina. 

“Mas tinuon ko yung sarili ko sa academics,” pagbabaliktanaw ni Alicia habang nakamasid sa kahabaan ng University Avenue. “‘Pag matataas ‘yong grades ko, ‘di nila ako papagalitan. ‘Di nila ako sasaktan. Doon ko siya itinuon, yung hobbies ko parang naka-incline to please them.”

Noong panahong ito’y maingay din ang kampanyang #MarcosHindiBayani na siyang nagbigay-katanungan sa isipan ni Alicia. Kuwento niya’y nasaksihan niya ang patuloy na paglaganap ng black propaganda tungkol dito dahil maging umano ang ina ay pinipilit siyang kumbinsihin na si Marcos ay naging mabuting pangulo.

“Si Relissa din mismo, minsan nabanggit nya na nanonood siya ng [ black propaganda ] videos sa Facebook kasi kung di siya nambubugbog, nagbababad lang siya sa Facebook,” saad niya. “So pinapakita niya sa akin na si Marcos saka si Aquino, yung mga tinuturo sa eskwelahan niyo, hindi totoo yan.”

Noon din ay sinimulang maghanap ni Alicia ng taong makatutulong sa kaniyang malaman ang katotohanan sa likod ng diktadurya ni Marcos. Sa kabutihang palad, agad siyang nakilala ng isang organisador mula Anakbayan at tinanggap niya ang imbitasyon nitong dumalo sa educational discussion. Saktong SONA 2018 din ito kung kaya’t matapos ang ED, sumama sa kaniyang unang mobilisasyon si Alicia.

LIGAW NA KALULUWA

Hindi agad nasundan ang rally na dinaluhan ng dalaga. Bunsod ng patong-patong na gawain sa eskwelahan, pansamantalang nahinto ang kaniyang paglahok sa mga mobilisasyon. Patuloy din daw ang pang-iipit sa kaniya ng ina, kung kaya’t Nobyembre ng taong 2018 na siya muling nakabalik sa mga educational discussion.

Pagpatak ng Enero ng sumunod na taon, pumutok sa kongreso ang isyu ng pagbaba ng edad ng criminal responsibility sa Pilipinas. Ito ang nagtulak kay Alicia na muling maging aktibo sa mga pagkilos sa kabila ng mga banta sa mga mag-aaral na aktibista mula FEU.

“Bakit ikikulong ‘yong mga bata?” tanong ni Alicia. “Hindi magandang environment ang kulungan lalo na dito sa Pilipinas at kahit in general. . . Hindi magandang environment ang mga kulungan para ilagay don ang mga bata na nasa formative years pa nila.”

Lost lang sila kasi wala silang gabay ng mga magulang,” dagdag pa ng dalaga, habang binabalikan ang isyung lalong nag-udyok sa kaniyang pagsilbihan ang masa.

Ikwinento rin niya kung gaano umano sila pilit pinatahimik ng mismong eskwelahang naging saksi ng kaniyang pagkamulat: “Doon kami winitch-hunt ng admin ng Far Eastern University SHS, so parang everyday, naroon ‘yong fear na matutunton kami; i-eexpel kami kahit wala naman ‘yon sa constitution ng student handbook namin. . . kasi wala din naman kaming student handbook, e.” 

“Sunod-sunod yung mga pagkilos ko tapos narealize ko na gusto kong buong panahon nang paglingkuran ang masa, ang sambayanan.”

MULA KAY ALICIA

Kung may nais mang ipaalala sa mga kapwa-tibak si Alicia, ito ay ang bumalik sa dahilan ng iyong pagkilos sa tuwing makakaramdam ng pagkahapo.

“Kahit mahirap tapos punong-puno ng heartbreaks ‘yung nararanasan natin na parang nawawalan na tayo ng pag-asa na magpatuloy pa, lagi nating isipin ‘yung mga nagmamahal sa atin,” may pag-asang pahayag ni Alicia.

“‘Yong mga nakilala natin, ‘yong mga makikilala pa lang natin na sure akong mamahalin din tayo, na sila na lang ‘yong isipin at panghugutan ng lakas para magpatuloy pa at umasa at mabuhay pa sa isa pang bukas.”

Habang nananatiling malabo sa ngayon ang pagkamit ni Alicia sa hustisya, marami pang aktibista ang humaharap ng prosekyusyon dahil sa pagganap ng kanilang karapatan bilang mamamayan. Ang tanging kahilingan ng dalaga ay nawa, sa harap ng mala-berdugong pamumuno ni Duterte, ay hindi maapula ang alab ng pusong uhaw sa kalayaan at kapayapaan. 

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.

KALasag sa Twitter

Error: Twitter did not respond. Please wait a few minutes and refresh this page.

%d bloggers like this: