Features

Mula Petisyon Hanggang Panawagan: Pagkakaisa sa Gitna ng Krisis sa Edukasyon 

Ni Djanggo Alagar

Kuha ni Bernadette Anne Morales
Kuha ni Bernadette Anne Morales

Kulang ng klase si Kristina Babiera, isang estudyante ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Ngayong taon dapat siya magtatapos, ngunit katulad ng napakaraming mag-aaral, kulang pa rin sa 12 unit minimum load ang nakukuha niya. Bukod pa roon, isa sa mga kailangan niyang sabjek ay hindi inoffer ng kanyang departamento sa darating na semestre, kaya’t sa pagkakataong ito, lalong hindi uubra ang karaniwang rekurso ng mga may katulad na problema na pag-prerog at pagwaitlist. 

Kailangan niya ngayong magpetisyon sa departamento ng pagbubukas ng klase. 

Matapos makipag-usap sa isang kaklaseng nangangailangan din ng kursong ito para maka-gradweyt, nakipag-usap agad kami sa mga kakilala at nagpaabot sa iba’t ibang GCs,” sabi ni Kristina.

Hindi naging madali, ayon sa kanya, ang paghahanap at pakikipag-ugnayan sa mga kapwa estudyanteng nangangailangan din noon. May kalakasan sa mga bilang, gayong sampu, ang karaniwang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase, ang itinuturing na magic number. Kung makalikom ng sampu pataas na mga estudyanteng nagpepetisyon ng pagbubukas ng isang klase, mas mataas ang tsansang maaprubahan ito. 

Lumipas ang ilang araw bago nakahanap ng sapat na bilang. Lumabis pa nga sila sa sampu; labing-apat sa pangkalahatan, patunay na talagang in-demand ang naturang sabjek. 

Ang sumunod nilang hakbang ang mismong pag-draft ng liham na ipapadala sa departamento. Lalamanin nito ang listahan ng mga mag-aaral, kabilang ang kanilang mga student number, at ang ipapanukalang time slot kung kailan libre ang pinakamarami, kung hindi lahat. Ngunit naging isa pang pahirap ang paghahanap ng iskedyul na kalulugdan ng lahat. Naging malabong ipagpilitang pagkasunduin ang kanya-kanyang iskedyul ng bawat petitioner.  

Walang Iwanan

Paglaon, nabalitaan ng pangkat ni Kristina na inaprubahan ang petisyon, subalit iilan din ang nagpahayag ng pagkabigo gayong bumabangga ang binigay na time slot sa kani-kanilang mga iskedyul. Dinumog ang GC ng mga estudyanteng nagpahayag ng pag-aalangan at pagdadamayan sa mga kasama. 

[O]kay lang po ako sa slot na ito, free po pala ang sched ko. [P]ero sana po may iba pang slot para sa ibang may [conflict],” saad ng isa.

… [L]ahat na ba tayo rito ay okay sa [iskedyul]? If hindi, ano yung oras na bakante tayo lahat? Para walang maiwan,” paninigurado ng isa pa. 

Sa dulo, walang nagawa ang petitioners kundi sumunod sa binigay na time slot bilang paggalang na rin sa iskedyul ng magtuturo. Ang ilang may conflict ay napilitang kanselahin ang binabangga ng bagong bukas na klase para bigyang-daan ito.

Mahihinuha mula sa mga mensahe ng petitioners na sa proseso ng pagpepetisyon ng pangkat ni Kristina, pinalitaw sa mga mag-aaral ang diwa ng pagdadamayan at pagkakaisa. 

Ganoon din ang naging karanasan ni Ange Castillo, isa pang mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat na nagpetisyon din ng pagbubukas ng isang klase sa departamento. 

…[K]ahit hindi mo lubos na kakilala, bawat iskolar ay nangangailangan ng subject: GE man o major subject, para hindi mag-underload sa units,” paliwanag niya. “Dahil sa initiative ng bawat indibidwal nagiging kolektibo ang petition at walang naiiwanan.

Katulad nina Kristina, inaprubahan din ang petisyon nina Ange. 

Tagumpay nang maituturing ang nangyari sa dalawang grupo ng petitioners, gayong walang anumang katiyakang ang ipapasang petisyon ay maaaprubahan. Sa dinami-rami ngayon ng mga petisyon, pagprerog, at pagwaitlist, halos imposibleng lahat ng estudyanteng nangangailangan ng klase ay mapagbigyan ng kinauukulang departamento. Para sa iba, ang ganito ay tila pagsuntok sa buwan. 

Budget Cut

Habang maaaring mahibuan ang ibang estudyanteng sisihin o pagbuntunan ng galit ang kaguruan at departamento para sa kakulangan ng klase at slots, at gayundin ang mga polisiya tulad ng pagbabawal ng prerog, kapwa ipinagdiinan nina Ange at Kristina na hindi sila ang tunay na salarin ng mga pahirap sa mag-aaral. Sa halip, inugat ni Kristina ang problemang ito sa mas malawakang mga problemang kinakaharap ngayon ng buong komunidad ng UP, lalo na ang inaambang 1.3 bilyong budget cut.

Sa panawagan pa lang ng mga kaguruan na maregularisa, magkaroon ng nakabubuhay na sahod at magkaroon ng sapat na load ayon sa kanilang kakayahan, hindi na ito agad natutugunan ng UP. May mga propesor na delayed pa rin ang kita, isang bagay na mahirap harapin lalo ngayong pandemya. Sa ilalim ng budget cut ngayong taon, lalong mahihirapan ang pamantasan na punan ang mga kakulangang ito,” saad ni Kristina. 

Sinegundahan naman ng pahayag ni Ange ang punto ni Kristina, at dinepensahan ang kaguruan at mga departamento. 

Kailangan ng mapagbabalingan ng sama ng loob eh, pero ayun, dapat talaga hindi mga propesor o ang departamento ang kinasasamaan ng loob dahil ang sistema talaga ng UP ang dapat pinagtutuunan ng galit. Biktima lang din ang mga propesor at departamento, pinahihirapan lang din gaya ng mga estudyante kapag enlistment/enrollment,” pagkatig ni Ange. 

Samantala, parami nang parami ang mga estudyanteng nagbibigay-tinig sa mga saloobin at hinaing ng komunidad sa ilalim ng remote learning. Noong Setyembre 17 lamang, idinaos sa UP Diliman ang First Day Fight, kung saan nangagsitipon ang mga estudyante upang isulong ang pagbibigay-suporta sa mga mag-aaral at guro sa anyo ng mga gadyet, slot, financial aid, at iba pang rekurso. Tinutulan din ang pagkaltas sa badyet at pagsasawalang-bisa ng UP-DND Accord.

Nang tanungin si Ange kung ano sa palagay niya ang magagawa ng mag-aaral sa gitna ng lahat ng hamon at pag-atakeng ito sa edukasyong UP, ang sagot niya’y ‘di lubhang naiiba sa naging tugon nila ni Kristina sa suliranin ng kulang na klase.

Kalampagin pa ang admin, hikayatin ang mga kapuwa iskolar ng bayan na manawagan para sa kalidad na edukasyon. Dapat ding ipakita ng Student Body na kaisa nila ang mga estudyante,” paliwanag niya. “Katulad ng pagpetisyon ng mga klase, isa rin itong panawagan katulad ng mga maka-estudyanteng polisiya dahil ito ay mga batayang pangangailangan ng mga mag-aaral.

  Ngunit ipinaalala rin ni Ange ang isa namang mahalagang pagkakaiba sa dalawa: ang mga departamento ay maaari ring tanggihan ang petisyon batay naman sa sariling kakayahan at sitwasyon ng mga tauhan nito. Sa madaling salita, maging ang departamento ay kumikilos alang-alang sa mga limitasyong ipinapataw ng sistemang kinabibilangan. 

Malinaw kina Kristina at Ange na mahalagang gampanin ng mag-aaral, at dakila rin niyang kapangyarihan, ang pakikiisa at pagsasatinig ng kolektibong mga hinaing at panawagan— sa pagpepetisyon man ng isang klaseng kailangan ng ilan o sa pagdedemanda ng edukasyong libre, de-kalidad, at mapagpalaya para sa lahat.

About KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.

Discussion

Comments are closed.

KALasag sa Twitter

Error: Twitter did not respond. Please wait a few minutes and refresh this page.

%d bloggers like this: