KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas)

KALasag, ang Opisyal na Papel Pampahayagan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Ito ang magsisilbing pahayagan ng mga pananaw, usapin at paninindigan ng mga estudyante hinggil sa mga mahahalagang isyu. Ito rin ay magiging daan tungo sa pagbuo ng identidad ng kolehiyo at paghahanap ng lugar nito sa pamantasan at lipunan.
KALasag (Opisyal na Papel Pampahayag ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas) has written 206 posts for KALASAG

Mula Libro Tungong Teatro:  Ang Pagbawi ni Rosang Taba sa Sarili at Dangal ng Bansa

Ni Benj Sumabat

“Hindi ko inaasam na mabago ang isip nila pero ang isip natin”  

-Rosang Taba, Kung Paano Nanalo sa Karera si Rosang Taba (2023) 

Matagumpay na itinanghal sa entablado ang unang gabi ng dulang “Kung Paano Nanalo sa Karera si Rosang Taba,” isang adaptasyon sa maikling kwento ng mahusay at premyadong manunulat na si Dean Francis Alfar. Ang pagsasadula ng kwentong ito ay pinangunahan ng  Dulaang Unibersidad ng Pilipinas (DUP) sa direksyon ni Jose Estrella at sa panulat nila Maynard Manansala at Rody Vera. 

Ito ay bumabaybay sa kwento ni Rosang Taba (Kiki Baento) at kung paano niya matapang na hinamon ang anak ng Gobernador-Heneral na si Pietrado (Victor Sy) sa isang karera matapos ang isang mainit na sagutan at pang-iinsulto sa kanyang kultura, itsura, at pagiging Pilipino. 

Sa gitna ng duda at takot ay nahanap ni Rosang Taba ang lakas mula sa suporta ng kanyang mga magulang at ang mithiin niyang ipakita sa lahat, lalo na sa mga kolonyalistang Espanyol na kaya niyang ipagtagumpay ang karera sa kabila ng mga pangungutya dahil sa kanyang katabaan.

Sa huli ay nagwagi si Rosang Taba at ginawaran siya ng gantimpalang salapi at siya ay naging tinitingalang bayani ng kanyang mga kababayan dahil sa pinamalas niyang lakas, determinasyon, at tapang na lumaban at tumindig sa mga kolonyalista.  

Napapanahong mensahe laban sa diskriminasyon base sa kasarian at katawan 

Malinaw na ipinakita ng dula ang napapanahong mensahe laban sa laganap na diskriminasyon sa kasarian at katawan sa pamamagitan ng mahusay at epektibong pagtatanghal sa puntong hindi hadlang ang hugis ng katawan o ang kasarian sa mga nais mong gawin at mapagtagumpayan. 

Naging pangunahing tampok nito ang pagiging mataba ni Rosa kaya naman hindi siya sineryoso ni Pietrado noong hinamon siya nito sa isang karera at siya pa’y pinagtawanan at kinutya. Dagdag pa dito ang mababang pagtingin ng kanilang mga among Espanyol kayna Rosa dahil sila ay mga alipin at “babae lamang.”

Para kay Rosa, hindi ito hadlang sa kanyang nag-uumapaw na determinasyon at mithiing manalo sa karera. Bagkus, ito ay  naging lakas at hamon  upang ibuhos ang kanyang tapang para magwagi hindi lamang para sa sarili at pamilya kundi para sa mga kababayan. 

Politisasyon ng Aliw at Likha 

Ginamit ng dula ang isang malikhain, bago, at nakakatawang kita sa  hiyawan at tawanan ng mga madla ngunit hindi nito kinaligtaang talakayin ang mga politikal na usapin gaya ng kolonyalismo, diskriminasyon, at pang-aabuso. Subalit ginamit ito bilang estratehiya upang mas magagap at maikintal sa isip at puso ng mga manonood ang mga mensaheng nais nilang iparating. 

Iniangkop ng dula ang mga sayaw hango sa mga sikat at trending TikTok dance moves na mas nagbigay buhay sa tanghalan dahil sa  pamilyaridad nito sa madla. Dagdag pa rito ang mga komedikong  linyang binitawan ng mga aktor na nagpapahalakhak sa mga manonood. 

Dahil sa napapanahong inklusyon ng dula ay ang napapanahong pagsasatanghalan rin ng mga diskusyong minsan ay nakakaligtaan na nating pag-usapan sa pang-araw-araw. Isa dito ay ang pag-uugat sa macho-pyudal na impluwensya ng mga kolonyalista at kung paano ito nakakaapekto sa ating pagtingin at pagsusuri gaya ng mga kombensyon at estereotipo sa kasarian at katawan. 

Matalas na Kwentong Pambata 

 Ang dula ay hinalaw mula sa Don Carlos Palanca Memorial award winning na kwentong pambatang “How Rosang Taba Won a Race” na isinulat ni Dean Francis Alfar. Ito ay umiinog sa isang malikhaing pagkapanalo ni Rosang Taba sa karera na naging sampal sa mukha ng kanyang mga among Espanyol.

Bilang isang kwentong pambata, nakakamangha na mainam at maigi nitong naugat ang mga usaping tumatalakay sa diskriminasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng banayad na kwento sa mga batang mambabasa at malaking moral na leksyon. Sa panahon ngayon, mas kinakailangan ang mga ganitong matatalas ngunit malapit sa pusong mga kwento upang mas maagang maunawaan ng mga bata ang mga ganitong usapin at maging simula ito ng kanilang pagkamulat at pagpapalalim sa mga isyu at usaping panlipunan.

Malaki ang ambag at gampanin ng mga ganitong kwento gaya ng akda ni Dean Francis Alfar dahil binibigyang bigat at hulog nito ang responsibilidad ng isang manunulat para sa paghuhubog ng kaisipan ng mga kabataan at lipunan. Dahil hindi lamang nalilimita ang panitikan, dula, at kahit anong likhang-sining sa mga pahina at entablado, bagkus ito ay nagiging salamin at sandigan ng minimithi nating lipunang malaya at mapagpalaya.

Kaya naman, masasabing isang bago at hindi malilimutang karanasan ang panonood ng dulang “Kung Paano Nanalo sa Karera si Rosang Taba.”  Isang magandang paraan ito upang maitampok sa mga kapamilya, kaibigan, at mga kakilala ang mga isyu na kinakaharap ng marami sa atin.

Bumili ng ticket sa UP Diliman University Theatre at tunghayan sa tanghalan ang dula hanggang ika-2 ng Abril.

“Barya Lang Po…” Ang Kita ng Isang Drayber

Artikulo ni Hannah Ponce

Naging matagumpay ang dalawang araw na welga sa kabila ng matinding intimidasyon at panghaharass ng estado sa gitna ng kaliwa’t kanang kilos protesta. Ito ay dahil sa pagsasama-sama ng iba’t ibang sektor at nagkakaisang masa kontra jeepney phaseout.

Epekto ng phaseout mula sa isang tsuper

Si Enrico De Chavez, officer ng UP Katipunan, isang 25 na taong drayber ng UP Campus-Katipunan ang kinapanayam hinggil sa nagbabantang usapin.

“Pagka nawala na po ang dyip sa’n na po kami pupulutin… kasi yung iba po matatanda na… katulad ko medyo na-edad na din po… kaya malaki po yung epekto ng phaseout sa’min… kaya kung maaari, tigilan na… para matulungan namin yung aming mga pamilya.”

Aniya, malaki ang epekto ng nasabing modernization program sa mga drayber at operator na walang kapasidad sa pagkakaroon ng mga modernong dyip.

“Hindi po kami nagpa-consolidate kasi po di po namin kaya kasi sobrang mahal… halos aabutin po ng tatlong milyon… eh wala po kaming pera para diyaan… kaya hindi po namin kaya yung bagong mino-modernize na hindi naman po dyip eh, mini bus. Hindi po namin kayang bumili ng ganiyang halagang sasakyan… unang-una po kaya hindi pa po kami nagtatayo ng kooperatiba dahil diyan… puro mangungutang lang po yung magiging ano namin eh… mababaon lang po kami sa utang kapag kami po ay sumapi sa co-op.”

Sa pagpapatupad ng gobyerno ng phaseout, pinipilit ang mga drayber at operator na pumasok sa kooperatiba upang makabili ng modernong dyip na nagkakahalagang 1.3M hanggang 2.4M kada yunit.

Sa kabilang banda, hindi ordinaryong mamamayan ang makikinabang kundi mga korporasyong mangangasiwa sa pamamasada at ang mga sasakyan ay mapupunta sa pangalan ng mga korporasyong ito.

Pagkatapos ng dalawang araw na strike

Ayon sa ulat ng Piston, 95% ng dyip sa buong NCR ang naparalisa dahil sa isinagawang strike. Bagama’t matapos ang dalawang araw na mga welga, mula sa Quezon Hall hanggang sa Mendiola, ikinatutuwa naman ni De Chavez na na-obliga ang Malacañang na pag-aralan ang Omnibus Franchising Guidelines na inilabas ng LTFRB bilang resulta ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor at ng malawak na hanay ng masa na kumilos.

Ito ay sa kabila ng pananakot ng mga kapulisan at estado, gayundin ang tangkang pagpigil sa pagmartsa ng mamamayan patungong Mendiola upang isagawa ang mobilisasyon. Hindi nagtagumpay ang manipis na hanay ng kapulisan laban sa makapal na hanay ng masa mula sa iba’t ibang sektor.

Dahil dito, naging mabunga ang mga pagtitipon sa mga nagdaang kilos protesta.

Panawagan ng mga tsuper at operator

“Ang gusto po namin sariling atin na dyip. Pwede naman po nating i-rehab ‘yan. Kung talagang gusto niyo pong tumulong sa mga operator drayber, pwede niyo kaming pautangin o kaya palitan natin ang dyip natin ng sariling atin, hindi po ng ibang bansa kasi hindi po namin nasusubukan.”

Dagdag pa niya, ramdam niya ang lungkot at saya dahil nitong mga araw ng welga ay wala silang naging kita bagama’t nangangahulugan din itong narinig ang hinaing ng mga drayber at operator.

Bagama’t nagpaabot ang Malacañang ng intensyong makipagdayalogo sa mga tsuper matapos ang dalawang araw na pambansang tigil-pasada, wala pa ring pinanghahawakang konkretong resolusyon ang nasabing jeepney phaseout.

Kaya patuloy ang mga panawagan at pagtitiyak na hindi itutuloy ng estado ang pahirap na programa sa mga drayber at operator. At sa pagpapatupad ng mga programang modernisado, ay hindi sila maiiwan.

Nagsilbing paalala ang naging pahayag ni De Chavez na hindi lamang ito laban ng mga tsuper, kundi ng mga komyuter na karamihan ay mag-aaral, manggagawa, at ordinaryong mamamayan.

Dahil ang huwad na programa ng modernisasyon ay hindi lamang perwisyo sa mga tsuper, kundi pati na rin sa mga komyuter kapag nagtaas na ang pamasahe na aabot sa Php 20-25 mula sa dating Php 12.

#NoToJeepneyPhaseout ang kaniyang panawagan upang matulungan ang mga kababayan lalong lalo na ang mga komyuter. Isang paanyaya rin ito upang sama-samang kumilos at mag-organisa ang bawat mamamayan, kabataan-estudyante, at iskolar ng bayan na ipagpatuloy ang laban ng masang api at walang kapangyarihan laban sa estado.

Kagyat na Isyu ng Mamamayan, Iskolar ng Bayan, Pinagkaisahan sa ika-54 na GASC

ni Andrieu Per Guilas

Nagtipon ang mga konseho ng mag-aaral ng UP System sa UP Cebu noong Pebrero 2-4, 2023 para sa ika-54 na General Assembly of Student Councils (GASC) upang talakayin ang mga napapanahong isyu sa loob at labas ng unibersidad.

Ilan sa mga resolusyong inihain at kinatigan ng kapulungan ay ang panawagan para sa pagbasura ng Maharlika Investment Fund, pagsulong sa gender-inclusive na unibersidad, at pagsasa-institusyon ng batayang serbisyo para sa mga disabled na estudyante.

Nagresulta rin ang talakayan sa pagsasantabi ng ilang resolusyon tulad ng inihain ng mga konseho ng UP Visayas University Student Council (UPV USC), UPV College of Arts and Sciences Student Council (UPV CASSC), at National College of Public Administration Student Council (NCPAGSC) na nanawagan sa suporta para sa debate groups.

Napagkasundaan na pagsanibin ang resolusyon ukol sa debate groups sa resolusyong tumutugon sa varsity athletes ng UP. Ibabalik ito sa technical working group upang talakayin sa ika-55 na GASC.

Resolusyon sa Stop and Review RSA, Ipinagpaliban

Isinantabi rin para sa ika-55 na GASC ang resolusyong inihain ng kalakhan ng mga konseho ng UP Manila na nakabase sa Ermita para sa pagpapalakas ng panawagan sa pagpapatigil ng Return Service Agreement (RSA). Ito ay matapos mariing tumutol ang iba’t ibang konseho ng UPM School of Health Science sa pagsama ng kanilang konseho bilang may-akda sa resolusyon. 

Ipinaliwanag ni Gabriel Ysabel Marcoleta, Chairperson ng UPM SHS Tarlac Student Council, na nakasalalay sa RSA ang pagkakaroon ng oportunidad ng kanilang mga nirerepresentang estudyante na makapag-aral sa mga programa sa SHS.

Aniya, laban sa prinsipyo ng SHS ang absolutong pagtigil ng RSA kaya hindi makapagsuporta nang lubusan ang Malayang Katipunan ng Sangguniang Mag-aaral ng SHS (MAKASAMA), ang alyansa ng mga konesho sa rehiyonal na kampus ng UPM.

“We are not opposing the content of Stop and Review RSA ng UP Manila local college units alone. I am saying we cannot stop the RSA inside the SHS units. I do not get the point why can’t the UPM USC and LCC give to the SHS to actually formulate their own resolution regarding this matter. Why does it seem like it’s not possible for us?” dagdag ni Marcoleta.

Ipinangako ng UP Manila University Student Council (UPM USC) ang mas komprehensibong diyalogo matapos mailantad sa GASC ang naging kakulangan ng konsultasyon nito sa mga SHS units.

Pagtutol sa Mandatory ROTC at Pagdepensa sa Kalayaang Pang-akademiko, Iginiit

Buhat naman ng pag-apruba sa Resolusyon Bilang 2023-006, pinagkaisahan ng mga lider-estudyante ang kanilang pagkundena sa pagratsada ng National Citizens’ Service Training (NCST) Bill sa Senado.

Ang pagtutol sa pagsulong ng NCST ay giniit higit sa naging kilos-protesta na ginanap sa harap ng UP Cebu noong unang araw ng GASC.

Ayon kay Andrew Ronquillo, Pambansang Tagapangulo ng KASAMA sa UP, nanatiling Mandatory ROTC ang probisyon ng NCST na naglalayon pa rin na sumupil sa boses ng kabataan. Dagdag pa niya, magdadala ng panganib ang NCST buhat ng panghihimasok ng militar sa pamantasan kung saan unilateral na binasura ang UP-DND Accord.

“Malinaw na kapag naipasa itong ROTC, lubos na manganganib ang kaligtasan at seguridad ng bawat Iskolar ng Bayan,” ani Ronquillo.

Nakiisa din ang mga pahayagang pang-kampus sa Resolusyon Bilang 2023-002 na nananawagan sa pagdepensa sa kalayaan pang-akademiko kung saan nagbigay ng talumpati ang UP Solidaridad para igiit ang pagprotekta sa mga mamamahayag.

“Kahit na inaatake na kami, kahit tinitiktikan na kami, kahit na may bantang tanggalan kami ng mga plataporma at boses, magsusulat kami, maglilingkod kami, magpapalaya kami tungo sa isang lipunang ang katotohanan ay may puwang sa pag-ugit ng kasaysayan—isang katotohanang nais ikubli nina Marcos at Duterte,” pahayag ni Vice Chairperson for Luzon Mark Ernest Famatigan.

Suporta sa Sektor ng Manggagawa, Pinalakas

Inaprubahan din ng kapulungan ang Resolusyon Bilang 2023-008 na nagpapahayag ng pakikiisa sa sektor ng manggagawa para sa ipanawagan ang makatarungang pasahod, trabaho, at karapatan sa pag-uunyon.

Dumulog sa GASC ang dalawang UP alumni at development workers, sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha, upang magbigay ng mensahe hinggil sa kahalagahan ng patuloy na pagsuporta ng mga mag-aaral sa laban ng mga manggagawa.

“Piliin natin na ipagpatuloy ‘yung adbokasiya natin bilang mga lider-estudyante dahil alam naman natin na kahit mga estudyante pa lang tayo, apektado na tayo ng mga krisis ng lipunan… Ang mga estydyante ngayon ay ‘di lang purely students. ‘Di enough ang baon at allowance na natatanggap natin. ‘Di enough ang mga sweldo ng mga magulang natin para i-sustain ang mga pangangailangan natin sa pag-aaral,”  ayon kay Gumanao 

Samantala, iginiit ni Dayoha ang patuloy na pagtindig ng mga lider-estudyante sa gitna ng lumalalang krisis panlipunan.

“Bilang mga lider-estudyante, dapat tayong makiisa sa ibang sektor dahil apektado pa rin kayo ng mga usapin gaya ng oil price hike, apektado kayo sa pagtataas ng inflation… Nawa’y sa pag-assert natin sa ating academic freedom ay magkaroon tayo ng paninindigan dahil dito tayo humuhugot ng lakas upang ipaglaban ang ating mga karapatan,” ani Dayoha.

Si Gumanao at Dayoha ay dating lider-estudyante sa UP Cebu. Dinukot sila ng mga nagpakilalang pulis noong Enero 10 sa Port of Cebu. Lumaya ang dalawa anim na araw matapos ang malakas na kampanya ng komunidad at mga taga-suporta. ##

Dalawang Development Workers, UP Alumni na Dinukot, Natagpuan Na

Artikulo ni Jet De Leon

Kinumpirma ng mga kaanak sa isang press conference na natagpuan na kahapon, ika-16 ng Enero, ang dalawang development workers at UP Cebu alumni na sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha ilang araw matapos sila ay maiulat na nawawala. 

Ayon kay Danilo Gumanao, ama ni Dyan Gumanao, ikinuwento ng kanyang anak na nagpakilala ang mga nandukot sa dalawa bilang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Sa bidyong nakuhanan ng isang concerned citizen noong ika-10 ng Enero, makikitang pwersahang isinakay ang pinaniniwalaan na sina Gumanao at Dayoha sa isang AUV sa Pier 6, Cebu City, taliwas sa pahayag ng Cebu Port Authority, Philippine Coastguard, at Maritime Police na walang kaguluhang naganap sa piyer noong nasabing petsa. 

Sa isang interview ng ANC kay Danilo Gumanao, sinabi ng ama na hindi rin daw makapagbigay ng tulong ang mga saksi sa insidente noong dinudukot ang kaniyang anak dahil sa nagpakilalang pulis ang mga dumukot.  

Mula sa bakasyon, inasahan ng mga kapamilya at katrabaho ang kanilang pagdating noong araw na iyon sakay ng MV 2GO Maligaya mula sa Cagayan de Oro pabalik ng Cebu, ngunit hindi nakarating ang dalawa sa kanilang pinal na destinasyon.

Giit ni Dennis Abarrientos, tagapagsalita ng Karapatan, kapwa tinakpan ang mga mata ng dalawa nang maisakay sila sa AUV at dinala sa ibang lugar kung saan isinagawa ang interogasyon. 

Dagdag pa ni Abarrientos, tinitignan nila ang posibilidad kung may naganap na tortyur kina Gumanao at Dayoha.

Ayon sa Karapatan, nitong mga nagdaang buwan ay nakatatanggap sina Gumanao at Dayoha ng kabi-kabilang paninitik at surveillance na kapwa naglalagay ng kanilang buhay sa panganib.

Nagsagawa naman ng Candle Lighting Protest kagabi, ika-16 ng Enero sa UP Cebu ang mga progresibong grupo at komunidad ng unibersidad upang kundenahin ang pagdukot sa dalawa. Giit nila, kailangang mapanagot ang kapulisan at awtoridad na pinaniniwalaan nilang nasa likod ng insidente.

Si Gumanao ang kasalukuyang coordinator ng Alliance of Concerned Teachers – Cebu at kilala bilang unyonista, development worker, at aktibista buhat pa lamang nang siya ay mag-aaral sa UP Cebu. Siya ay nakapagtapos ng BA Mass Communication sa naturang pamantasan bilang Cum Laude. 

Si Dayoha naman ay naging kasapi ng Visayas Human Development Agency (VIHDA), isang NGO na nangangasiwa sa karapatan ng mga manggagawa, at naging boluntir sa Alliance of Health Workers (AHW). Siya rin ay nanguna sa pagtatayo ng Art and Tankard Organization (ATO). Siya ay nagtapos ng programang BA Psychology sa UP Cebu at kasalukuyang kumukuha ng BA Fine Arts bilang ikalawang degree.

Ang dalawa ay kasalukuyan ding nagtuturo bilang instruktor ng ilang asignatura sa UP Cebu.

Tindig ng Kalasag: Suportahan si Nemenzo, Kondenahin si Sanchez

Nahaharap sa matinding hamon ang Unibersidad ng Pilipinas. Sa gitna ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya at kalusugan, lubog sa problema at kontradiksyon ang iba’t ibang sektor ng UP. Nariyan din ang walang humpay na atake ng estado at mga galamay nito sa ating komunidad. 

Sa nalalapit na pagpili ng Lupon ng mga Rehente sa susunod na pangulo ng UP, iniharap ng mga sektor sa anim na nominado ang mga isyung kinahaharap ng pamantasan. Para sa mga mag-aaral, nariyan ang mailap pa rin na pagbabalik sa pamantasan ng lahat ng mag-aaral, ang nakaraang kaltas sa pondo ng pamantasan, at hindi pagkilala sa mandato ng UP bilang kanlungan ng mga nasa laylayan.

Sa kasaysayan ng pakikipagbuno ng iba’t ibang sektor ng pamantasan sa mga isyung ito, hindi maipagkakaila ang matinang na pamumuno ni Fidel Nemenzo. Sa kaniyang kapasidad bilang Tsanselor ng UP Diliman, pahiwatig ang kanyang pamumuno sa kung ano ang hinihingi natin mula sa isang pangulo ng UP: konsultatibo, inklusibo, mapagkaisa, at demokratiko.

Sinuportahan ni Nemenzo ang tradisyon ng UP sa pagiging muog nito sa kalayaan at demokratikong karapatan sa kabila ng maraming bilang ng pagtatangka ng rehimen na manghimasok sa unibersidad. Patunay nito ang pagdaraos ng maraming aktibidad sa UP Diliman na tumutuligsa sa mga hungkag at palpak na polisiya ng nagdaang pambansang administrasyon hinggil sa militaristikong pangangasiwa nito ng pandemya. 

Batay sa kaniyang mga plano para sa unibersidad, balak niyang maglunsad ng pagsusuri hinggil sa GE Reform Program. Ang Kolehiyo ng Arte at Literatura, bilang isa sa mga pangunahing kolehiyong nagbibigay ng asignatura sa larangan ng sining at humanidades, ay matagal nang nananawagan na ibasura ang programang ito. Sa pamamagitan ng planong pagsusuri, malalantad na binabansot lamang ng GE Reform Program ang kaalaman ng mga mag-aaral sa pagbuo ng kritikal na kaisipan at kamalayan tungo sa pagsisilbi sa bayan.

Dagdag pa, lumitaw sa mga nagdaang UP Presidential forum na sa anim na nominado, si Nemenzo lamang ang may kamalayan sa halaga ng produksyon at pananaliksik sa sining at humanidades, taliwas sa paniniwalang ang mga disiplinang ito ay karagdagan lamang sa larangan ng agham at matematika. Kasama sa kanyang mga plano ang pagpapalakas sa mga grants at scholarships upang masuportahan ang mga aktibidad sa sining at humanidades

Malakas din ang kaniyang suporta para sa kalayaan sa pamamahayag. Sa isang forum, nagbigay siya ng pagsang-ayon sa kahingian ng mga publikasyon, kabilang na ang pagbibigay nakabubuhay na pondo para sa mga pahayagan sa mga kolehiyo at unibersidad, at ang pagtatanggol sa mga mamamahayag pangkampus laban sa iba’t ibang mga atake.    

Itinataguyod ni Nemenzo ang makataong relasyon sa pagitan ng administrasyon at ng iba’t ibang sektor. Kinatigan niya ang mga guwardya ng UP Diliman matapos ang kanilang mapait na karanasan laban sa kanilang manpower agency. Nagbigay ang kaniyang administrasyon ng suporta sa mga nasunugan sa Village A, isang komunidad sa UP Diliman, nitong Mayo.

Ngunit, kung sakaling si Nemenzo ang maging pangulo ng UP, hindi dapat tayo mag-ilusyon na siya ay magiging mesiyas na masusulusyunan ang lahat ng problemang kinakaharap ng pamantasan. Walang perpektong administrador, ngunit kinikilala natin, batay sa kaniyang track record, na si Nemenzo ang pinakakwalipikado, prinsipyado, at maasahan sa anim na nominado. 

Kabaliktaran naman ito sa ipinakita ni Fernando Sanchez Jr., ang dating Tsanselor ng UP Los Banos at kapwa nominado bilang pangulo ng UP System. Sa ilalim ng kanyang panunugkulan, hinarang ng mga estudyante, kaguruan, at kawani ng UP Los Banos ang posibilidad ng ikatlong termino para kay Sanchez.

Naging mahaba ang track record ni Sanchez sa kaniyang mga anti-estudyante at anti-manggagawa na polisiya na ipinataw sa UPLB. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, pinahigpit at hindi naging makatarungan ang paghawak ng mga kaso ng Maximum Residency Rule (MRR) at readmission ng mga nagbabalik na estudyante. Umabot sa mahigit 600 kaso ang hindi agad naresolba ng kaniyang administrasyon.

Dito sa UP Diliman at sa ibang kampus kung saan mas marami ang kaso ng MRR at readmission, nagbabadya ang isang malaking sakuna para sa mga estudyante at kanilang pamilya kapag siya ang naupo sa puwesto. 

Tumindi ang hinagpis ng mga mag-aaral nang siya ay magpataw ng No Late Registration Policy. Mahigit 500 estudyante ang hindi nakapag-enroll noong 2019 sa kabila ng kapalpakan ng Student Academic Information System (SAIS) na itinulak din ng kaniyang administrasyon.

Pinapasok niya rin ang militar sa UPLB noong Marso 2019 kung saan, sa isang klase ng NSTP, ni-redtag nila ang mga progresibong lider-estudyante at organisasyon. Walang tugon na ibinigay ang kaniyang opisina nang humingi ng paliwanag ang mga mag-aaral sa nangyari.

Kung ito ang pagbabasehan, hindi natin maaasahan na ipagtatanggol niya ang unibersidad laban sa panghihimasok na ginagawa ng militar at kapulisan, lalo na at niraratsada ngayon sa Kongreso ang Mandatory ROTC. 

Naging palpak din ang kaniyang pagtugon sa pandemya matapos maglabas ng mga memorandum na lalong nagpahirap sa transisyon ng mga kaguruan at mag-aaral patungong online setup. Hindi rin nabigyan ng kompensasyon ang mga kawani para sa kanilang dagdag na trabaho at serbisyong ginawa sa kalagitnaan ng pandemya. 

Sa kabila ng malakas na pagtutol ng iba’t ibang sektor sa kaniyang panunugkulan bilang Tsanselor ng UP Los Banos, ipinagpipilitan pa rin ni Sanchez ang kaniyang sarili na mamuno, ngayon naman ay sa mas mataas na posisyon. Kung ayaw sa kaniya at isinusuka na siya ng mga sektor na kanyang pinagsilbihan, paano niya mapatatakbo at mapamumunuan nang maayos ang unibersidad?

Ang kailangan natin ngayon ay isang pinuno na tunay na magsisilbi sa Unibersidad ng Pilipinas at sa bansa, isang pinuno na kayang makipagkaisa sa iba’t ibang sektor upang maharap ang mga dagok ng ating kinakaharap. 

Nakikita natin ngayon kung gaano kapalpak at kagarapal ang pamumuno ng pambansang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Hindi natin kailangan ng lider sa ating lokalidad na magdadagdag sa hirap na ating nararanasan.

Hamon ng Kalasag sa Lupon ng mga Rehente: pumili ng pangulo ng pamantasan na tunay na magsusulong ng interes ng UP at ng bansa. Iwaksi ang mga pansariling interes at ibatay ang desisyon sa panawagan ng iba’t ibang sektor ng unibersidad. 

Mayroong dalawang landas na pagpipilian Lupon sa pagpapasyang gagawin nito: ang una ay landas ng progreso at pagsulong, ang pangalawa ay landas ng pagtiklop sa rehimeng Marcos-Duterte. Ano’t ano pa man, iisa lamang ang landas na tatahakin ang mga sektor na bumubuo sa unibersidad, ito ang landas ng pagbalikwas at pakikibaka. 

RECAP: Mga Nominado sa Pagkapangulo ng UP System, Humarap sa Student-Led UP Presidential Forum

Hinarap ng mga nominado sa pagkapangulo ng UP System ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kampus ng UP System nitong ika-25 ng Nobyembro sa KILATIS: The Student-led UP Presidential Forum. Pinangunahan ang forum ng UP Office of the Student Regent, KASAMA sa UP (KSUP), at UP Solidaridad.

Lahat ng nominado, sina Dr. Patrick Alain Azanza, Atty. Salvador Belaro Jr., Atty. Angelo Azura Jimenez, Dr. Fidel Nemenzo, Dr. Benito Pacheco at Prof. Fernando Sanchez, ay dumalo sa forum na ginanap sa Zoom.

Naging espasyo ang forum upang pag-usapan ang mga natatanging isyu na kinahaharap ng sektor ng mga estudyante sa UP.

Basahin ang mahahalagang punto ng mga nominado.

Dr. Patrick Alain Azanza

Sa forum, dinepensahan ng kasalukuyang pangulo ng Catanduanes State Univesity (CatSU) ang kanyang binuong konsepto na ‘metaversity’ kung saan isinaad niya ang kahalagahan na makasabay ang pamantasan sa bagong agos ng teknolohiya. 

Isinaad niya na magagamit ang mga makabagong teknolohiya upang pagbutihin ang kurikulum, pananaliksik at polisiya sa unibersidad.

Madalas niyang ipagmalaki sa forum ang naging pamamahala niya sa nasabing pamantasan at aniya, sisikapin niyang ipatupad iyon sa UP System. Halimbawa niya ang tulong pinansyal na naibigay sa mga mag-aaral ng CatSU sa ilalim ng kanyang termino.

Kaugnay nito, pinukaw ni Azanza ang ideya ng pagkakaroon ng mga Income Generating Projects (IGP) para sa pamantasan bilang pagtugon sa kinahaharap ng pagkaltas sa badyet nito.

“Habang ipinaglalaban ang nararapat na suporta, kailangang humanap din ng ibang paraan para sa financial independence. Hindi ito dahil sa ayaw natin sa suporta ng gobyerno, pero dahil alam nating meron pang ibang paraan gaya ng IGP.” ani Azanza.

Kaakibat nito, bahagi ng kanyang Mission-Vision ang pagbubuo ng mga Public-Private Partnerships (PPP) bilang paggamit sa lupa ng pamantasan.

Atty. Salvador Belaro Jr.

Ibinato sa dating representatibo ng 1-Edukasyon Partylist ang isyu ukol sa kanyang “insensitibong” pagsisiyasat kay dating Senador Leila De Lima sa pagdinig sa Senado noong 2016 tungkol sa pagtutulak ng droga sa New Bilibid Prison.

Ayon kay Belaro, “Sa kongreso, kay De Lima, naatasan ako bilang majority leader at bilang abogado for cross examination. Crinoss-examine ko. Kung ako ay may na-offend, I apologize. I don’t see this bearing sa pagpapatakbo ng unibersidad.”

Inangat ang naturang usapin sa ginagawang rebyu sa UP Anti-Sexual Harassment (ASH) Code.

Ikinuwestiyon din ang kanyang pagiging CEO ng isang pribadong institusyon. Iginiit naman niya na batay sa kanyang track record na hindi niya isusulong ang kahit anong komersyal na agenda sa pagiging pangulo ng UP.

Ukol naman sa pagpapalawak sa batayang serbisyo para sa mga mag-aaral, ipinahayag niya ang kanyang mission-vision sa pagkakaroon ng “nurturing at caring” na unibersidad.

Ibinahagi niya ang kanyang paglaki sa kahirapan at naging tulong ng UP upang maging “equalizer.”

Dito din nagmula ang pangangatwiran sa kanyang programa na magkaroon ng sampung mag-aaral na makakapagtapos sa bawat barangay. Aniya, maari ito gawin sa lahat ng units at extension campus.

“Hindi ito perpektong formula kaya nga kailang ma-ensure na yung ten ay galing sa public high schools… I will assure [its] inclusivity, that this equity principle will be reflected on our university.” ani Belaro.

Atty. Angelo Azura Jimenez

Partikular na kuwinestyon ang pagiging Rehente ng Mag-aaral sa BOR ni Jimenez noong 1992 nang tinanggap niya ang posisyong itinakda sa kanya ng dating pangulo ng UP, si Jose Abueva, kumpara sa pinili ng KSUP.

Isinaad ni Jimenez, “I think I will have to question the assumption of that. There is no bypassing… When I was accepted, I was surprised myself. It is my duty to accept that.”

Isinaad pa niya na kung babasahin ang Philippine Collegian noon, ang konstitusyon na nakasaad ukol sa pagpili ng rehente ay nagmula sa chairperson ng konseho ng mag-aaral noon.

Batay naman sa kopya ng pahayagan ng Philippine Collegian noong panahong iyon, tahasang binalewala ng dating UP President ang tunay na nominado ng KSUP.

Ipinaaril din sa forum ang pagiging dating Alagad ng Midya ni Jimenez kung saan tinanong siya sa kanyang plano para sa suporta at pagpopondo ng mga publikasyon.

Itinugon niya mahalagang matiyak ang pagkakaroon na sapat na alokasyon para sa mga publikasyon, pati rin ang teknikal na suporta upang matulungan ang mga mamamahayag sa audit.

Lumabas din sa forum ang kanyang posisyon ukol sa suporta sa pagmamay-ari ng mga Student Union Building ng mga mag-aaral, gayundin at institusyonalisasyon ng kursong PS21 (Wika, Kultura at Panitikan sa Ilalim ng Batas Militar) bilang GE, sa lahat ng CU kung saan siya lang ang nagsabi ng ‘NO’ sa mga nominado sa parehong isyu.

Dr. Fidel Nemenzo

Nailantad sa forum ang nosyon ng ‘Diliaman imperialism’ na tumutukoy sa hindi pantay na alokasyon ng pondo sa mga constituent unit na tinugunan naman ng kasalukuyang Chancellor ng UP Diliman na susubukan niyang sirain ang nosyon na ito sa pamamagitan ng pagrebyu ng badyet.

“UP has always been the all the CUs and the campuses.” saad ni Nemenzo kung saan sinabi din na bumisita siya sa iba pang mga rehiyonal na campus.

Nailantad din ang mga posisyon ni Nemenzo tungkol sa mga proyekto ng UP system katulad ng pagpapatayo ng Philippine General Hospital (PGH) sa Diliman kung saan tiniyak niya na ang pangangailangan ng PGH ay batay sa lumalaking populasyon ng Quezon City.

Iginiit naman niya na sa pagpapatayo ng pasilidad na mangangailangan ng tatlong hektarya, walang puno ang maapektuhan.

Kaugnay rin sa paggamit ng lupa, lumalabas ang kanyang pagtutol sa demolisyon  ng mga komunidad na gumagamit ng espasyo sa pamantasan.

Nang tanungin siya sa tungkol sa ang interpretasyon sa prinsipyo ng unibersidad pagdating sa patakaran ng lupa, isinaad ni Nemenzo na makikipagtulungan siya sa lokal na pamahalaan upang maisaayos ang isyu sa resettlement. 

Aniya, “Our land which we need to use for our university is home to informal settler communities… so we have to implement a compassionate policy.”

Pinanindigan din niya ang tugon na ‘NO’ sa pagkakaroon ng Vice President for Student Affairs sa Fast Talk sa kadahilanan na ayaw niya ng dagdag na “bureaucratic layer” upang palakasin ang student affairs. Isinaad niya na ang CU mismo ang dapat may direktang suporta.

Dr. Benito Pacheco

Kinilatis ang pahayag ng dating Vice-Chancellor for Academic Affairs at kasalukuyang propesor ng Civil Engineering sa pagiging bukas ng unibersidad sa kahit anong politikal na paniniwala kung saan isinaad pa niya na mahalagang itaas ang antas ng publikong diskurso.

Sinabi din naman niya na dapat hindi hayaan masira ng mga malalakas ang mga mahihina at dapat protektahan ang may kakulangan sa seguridad.

“Dapat maging pride natin sa UP ay talagang open-minded tayo. Pero hindi tayo bulag sa mga threat o risk sa seguridad… Dapat sumoporta tayo sa kung sino mahina.” ani Pacheco.

Sa forum, siniyasat din ang naging pagbabago sa plano ni Pacheco matapos ang kanyang pagkatalo sa huling pagpili ng UP President.

Ikinuwento niya na nagkaroon siya ng oportunidad na mag-Sabbatical kung saan lumawak ang kanyang perspektiba. Dagdag pa niya, lumalim ang kanyang pag-unawa sa on-ground na kondisyon nang siya ay bumalik sa pagtuturo.

Samantala, sa Fast Talk, ipinakita ni Pacheco ang kanyang pagtutol sa panunumbalik ng UPCAT sa 2023 at ang dekriminalisasyon ng libel.

Prof. Fernando Sanchez

Lumabas sa forum ang pagsang-ayon ng dating Chancellor ng UP Los Baños (UPLB) sa pagtanggal ng mga polisiya sa academic ease sa panahon ng transisyon sa Fast Talk kung saan siya lang ang sumagot ng ‘YES.’

Ginamit din ni Sanchez ang forum upang iklaro na ang isinampang kaso sa Office of the Obmudsman laban sa kanya ng isang dating empleyado ay binasura ng Municipal Trial Court ng Los Baños at, aniya, walang kinalaman ang naging kaso sa kanyang pagkatakbo sa pagka-pangulo ng UP.

Gayundin, klinaro niya na tinanggal sa pwesto ang commandantant ng ROTC Corp. matapos magkaroon ng insidente ng red-tagging sa isang webinar sa NSTP sa UPLB.

Sa usapin ng budget cuts, binahagi ni Sanchez ang perspektiba niya dito kung saan ikinatwiran niya ito batay sa krisis pang-ekonomiya at pagsisikap ng pambansang pamahalaan na pagsilbihan ang buong bansa.

Aniya, “The world is in economic recession… We need to also accept that there is a reality that there will always be budget cuts.”

Tinukoy ni Sanchez ang private partnerships at pagkuha ng suporta mula sa alumni bilang tugon sa nakaltasang badyet, mga solusyong kinilala din ng ibang nominado.

Sa kasalukuyan, si Sanchez ang tumatakbo sa pagiging UP President na may pinakamalakas na oposisyon mula sa sangka-estudyantehan kung saan ang koalisyong No More Chances, Sanchez! ay tumututol sa kanyang pagkapangulo.

Pahirap at pasakit: mga Iskolar ng Bayan, tinutulan ang budget cut sa sektor ng edukasyon

Artikulo ni Adrian C. Imperio

Sa isang birtwal na press conference noong ika-4 ng Oktubre, tinutulan ng mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang state colleges and universities (SUCs) ang budget cut sa sektor ng edukasyon.

Lumahok sa press conference ang mga Konseho ng mga Mag-aaral mula sa UP System, Polytechnic University of the Philippines (PUP), Cavite State University (CvSu), Romblon State University (RSU) at Mindanao State University (MSU) laban sa anila’y budget cut sa edukasyon para sa susunod na taon.

“Mula noong pumasok ang taong 2022, nakita natin na lahat ng unibersidad sa Cordillera region ay nakaranas ng budget cut. Nanguna na riyan ang Mountain Province State Polytechnic College at Apayao State College na umabot ng nine digits ‘yong budget cut… Ganoon din ang kinahinatnan sa budget [ng ibang pamantasan].” ani Franz Calanio, Head Secretary ng National Union of Students in the Philippines Cordillera. 

Dagdag pa, Php 0 capital outlay ang natanggap ng Apayao State Institute for Science and Technology at Benguet State University para sa taong 2022. 

Binigyang diin ni Kirchhoff Angala, ng Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral ng PUP na makaaapekto nang lubos ang desisyon na ito bilang mahigit Php 244 milyon ang nakaambang kaltas sa pondo ng kanilang pamantasan sa susunod na taon. Ani Angala, magagamit sana ang ikinaltas na pondo sa pagsasaayos ng mga “bulok” na pasilidad sa PUP. 

Sa CvSU naman, bukod sa kawalan ng konkretong implementasyon ng ligtas na balik-eskwela, dinadaing ng mga mag-aaral ang tuloy-tuloy na pangongolekta ng Related Learning Experiences (RLE) Fee na ilalaan diumano sa sahod ng mga kaguruan, ayon kay Kyla Buan ng CvSu Kilos Na.

“Malaking manipestasyon pa rin itong budget cut sa ating edukasyon dahil ang napupuntang budget sa ating mga kaguruan ay nahuhuthot pa rin sa ating mga estudyante.” paliwanag ni Kyle Buan ng CvSu Kilos Na.

Dagdag pa rito, wala ring maayos na pagtitilad kung saan mapupunta ang pondong makakalap mula sa RLE. 

Ayon naman kay RSU Student Regent Savahna Merano, pagsubok sa mga estudyante ang pagsasagawa ng face-to-face classes dahil sa kaltas sa pondo sa kanilang pamantasan. Dagdag ni Merano, hamon din sa humigit-kumulang 12,000 mag-aaral ng RSU ang kakulangan sa mga pasilidad at agawan sa mga kagamitan pang-agrikultura.

Kasama rin sa panawagan ng mga lider-estudyante ang pagsasaayos ang mga nasirang pasilidad sa kani-kanilang mga pamantasan dahil sa nagdaang bagyong Paeng. Hiling nila na ibalik ang mga kinaltas na pondo para sa pagsasaayos at ‘retrofitting’ ng mga apektadong gusali. 

“Aming kolektibong pinapanawagan ang rechanneling ng pondo ng militar, national intelligence, at iba pang auxiliary office ng mga pasistang opisina papunta sa pondo ng edukasyon.” batid ni Iya Trinidad, Tagapangulo ng UP Baguio USC. 

Idiniin naman ni Ermildo Lynx Diamante, mula sa Mindanao State University Supreme Student Council ang kahalagahan ng pagpopondo sa edukasyon.

“We call for Congress to see the true value of education in attaining the goals and the aims of the Philippine government, and to properly fund the SUCs of the Philippines.” ani Diamante. 

Bilang pagtatapos ng press conference, binigyang-diin ni UP Student Regent Siegfred Severino na “walang sapat na pagsisikap ang pamahalaan para pondohan ang edukasyon at siguraduhing ligtas ang pagbubukas ng mga klase,” kaya’t hinikayat niya ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang SUCs sa buong bansa na makiisa sa kampanya laban budget cut sa sektor ng edukasyon.

Matatandaang noong ika-29 ng Oktubre, nauna nang naglunsad ng press conference ang mga mag-aaral at kawani mula sa iba’t ibang constituent units ng UP System upang tutulan ang pagbabawas sa pondo ng kanilang pamantasan.

Kampanya Laban sa Budget Cut, Pinagkaisahan ng mga Mag-aaral at Kawani ng UP System

Artikulo ni Adrian C. Imperio


Nagtipon ang mga konseho ng mag-aaral at unyon ng mga kawani mula sa iba’t ibang constituent unit ng UP system para sa isang birtwal na press conference noong ika-29 ng Oktubre. Ipinahayag ng mga dumalo ang hindi mabuting epekto ng budget cut sa iba’t ibang sektor ng pamantasan, at muling diniinan ang kanilang pagtutol sa pagkaltas sa pondo ng pamantasan.

Ipinanawagan ng mga lider-estudyante ang kampanyang #NoToBudgetCuts na tumututol sa mahigit Php 22 bilyong kaltas sa pondo ng UP kumpara sa inihaing budget na Php 44.149 bilyon para sa taong 2023. 

Ayon kay Iyah Trinidad, Chairperson ng UP Baguio University Student Council, nanganganib ang kalidad ng edukasyon dahil sa kakulangan ng bilang at kalidad mga pasilidad na ginagamit ng mga mag-aaral. Aniya, palalain lamang ng naturang pagbabawas sa badyet ang kalagayan ng mga estudyante.

Panawagan ni John Neil Tumangan, Councilor of Finance ng UPDEPPOSC, na ang pag pagbabawas sa badyet sa pamantasan ay makaaapekto sa mga pasilidad na kinakailangan ng mga estudyante, tulad ng mga dorms at laboratoryo. Aniya, sa kasalukuyan ay hirap na ang mga estudyante dahil sa kakulangan ng mga kagamitan at pasilidad sa paaralan at mas lalong magiging mailap para sa mga estudyante ang basic student services sa UPDEPPO kung babawasan pa ang pondo sa pamantasan. 

Bukod pa rito, isa pa sa mga nais bigyang diin ni Tumangan ang suliranin ng mga estudyante sa kanilang proteksyon. Ani Tumangan, “Bilang isang institusyon, nangangailangan ang deppo ng mas maraming proteksyon dahil malapit ito sa military base ngunit hindi rin kaya ng institusyon na suportahan ang expenses ng pagdagdag ng workers para sa safety ng mga estudyante.” 

“We have created a manifesto of unity against budget cuts” batid naman ni UP Diliman University Student Council Chairperson Latrell Felix, bilang pagkilala sa mga lider-estudyante na nagtipon upang makiisa sa pagbabahagi ng kanilang mga hinaing kasama ang pagtutol sa pagbawas sa pondo sa edukasyon. Sa kabilang banda ay panawagan nila na taasan ang badyet para sa kalidad na edukasyon at ligtas na balik eskwela.  

Gayun din ang saloobin ng UPLB USC Vice-Chairperson Gio Olivar. Aniya, “The slash budget will impede the momentum towards the safe return to face-to-face classes such as the capacity of the campuses to retrofit facilities and basic student services.” Bilang pagpapahayag ng kanilang pagkadismaya sa inilabas na budget cut ng pamantasan.

Diin pa nito, malaking pagsubok ang bagwas na ito ng pondo para sa mga estudyante ng UPLB lalo na sa sektor pang-agham at pangkalusugan.

Hinamon naman ng UP Manila University Student Council Chairperson na si Mark Angelo del Rosario ang administrasyon ng UP at ng Philippine General Hospital (PGH) na makiisa sa mga mag-aaral, guro, at frontliners sa pagtutol sa pagbabawas ng badyet para sa susunod na taon.

“Sa halip na suportahan ang sektor ng edukasyon, kalusugan, at iba pang sektor ng lipunan, nakapokus ang national expenditure program sa korapsyon, pasismo, at pagbabayad ng utang ng ating bayan.” ani del Rosario.

Ipinahayag din ni del Rosario na nakararanas ng kagipitan ang UP Manila na dala ng kakulangan sa pasilidad, teaching units at batayang serbisyo sa mag-aaral, gayundin ang benepisyo sa mga medical frontliners ng Philippine General Hospital. 

Ipinanawagan naman ni Carl Marc Ramota, dating National Chairperson ng All UP Academic Employees Union, ang pagkakaroon ng malinaw na mga alituntunin sa transisyon ng mga mag-aaral mula online learning papuntang face-to-face set up.

Ani Ramota, wala pa ring konkretong planong inilalabas hanggang ngayon sa kung paano gagawing ligtas ang pagbabalik eskwela.

Ito ay matapos lumabas ang anunsyo ng administrasyon ng UP admin noong ika-29 ng Setyembre na pinahihintulutan na ang 100% face-to-face setup sa susunod na semestre.

Diniinan din ni Ramota na ang kaltas sa pondo ng UP ay magpaparami sa mga kontraktwal na kawani, na maaari diumanong maging sanhi ng tuluyang pagkawala ng konsepto ng tenure.

Sa pagtatapos ng press conference, binigyang-diin ni UP Student Regent Siegfred Severino ang nalalapit na pagpili ng susunod na UP President.

Hinimok ni Severino ang administrasyon ng UP, lalo na ang susunod na UP President, na makiisa sa pagtutol sa kaltas sa pondo ng pamantasan para sa susunod na taon. Dagdag pa niya, nararapat na pagtibayin ang proteksyon para sa mga iskolar at kawani ng bayan.

Mga kandidato para sa halalang CAL FSTC, inanunsyo na

Artikulo ni Karl Montemayor


Inanunsyo na kahapon, ika-26 ng Oktubre, ang mga kandidato para sa darating na halalan para sa Konseho ng Freshies, Shifties at Transferees ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (CAL FSTC).

Si Harold M. David ng BA English Studies ang kandidato para sa Chairperson habang si Angelito S. Bergonio ng BA Theatre arts ang tumatakbo para sa Secretary General. Si Alliyah Chelsea Antalan ng AA Malikhaing Pagsulat naman ang nagnanais na maging Kinatawan ng KAL sa University Freshie Council.

Kumakandidato naman sina Ralph Alvin O. Agan ng BA Filipino at Panitikan ng Pilipinas para sa Finance and Special Projects Officer, Rigel Cassandra V. Hechanova ng AA Theatre para sa Culture and Arts Officer, Paul Adrian V. Bernardo ng BA Speech Communication para sa Public Relations Officer, at si Mattheo Wovi Jose J. Villanueva ng BA Creative Writing para sa Education and Research Head.

Para naman sa mga kinatawan ng bawat departamento, kumakandidato sina Maria Ysabel Rose T. Luna para sa Department of Art Studies (DAS), Nicole Anna M. Fruel para sa Department of English and Comparative Literature (DECL), Leanne Julia P. Saure para sa Department of European Languages (DEL), Ronadine D. Amata para sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP), at Elisha Isabel Peji para Department of Speech Communication and Theatre Arts (DSCTA).

Kabilang sa plataporma ng mga kandidato ang makipag-ugnayan sa administrasyon ng pamantasan para sa ligtas na balik eskwela at ligtas na balik-produksyon at pagkakaroon ng inklusibo at ligtas na mga espasyo para sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga fundraisers at grievance forms.

Kasama rin sa mga plano ng mga kandidato na maglunsad ng mga talakayan tungkol sosyo-politikal na kalagayan ng bansa, mga programang tumututol at nagbibigay kaalaman laban sa disimpormasyon at red-tagging, mga inisyatibong magtatampok sa sining ng mga mag-aaral ng KAL.

Ayon kay outgoing CALFSTC Chairperson Cygne Onday, sa kabila ng pagpapaliban sa halalan nang ilang beses, may kahandaan na ang konseho upang ilunsad ang darating eleksyon.

Despite the electoral preparations being postponed a couple of times, we are on full-force to ensure that the campaigns, MDA, elections, and turnover will be smooth and will allow the future FSTC to catch up and serve as the best they can, ani Onday.

Sa nirebisong iskedyul ng halalan, ang panahon ng pangangampanya ay magaganap sa ika-26 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre kung kailan magaganap ang Miting de Avance. Ang panahon naman ng pagboto ay mula ika-3 hanggang ika-7 ng Nobyembre.

Sa ika-8 ng Nobyembre nakatakdang ilabas ang opisyal na resulta. Nakalaan naman ang ika-9 hanggang ika-13 ng Nobyembre para sa electoral protest.

“We hope [the candidates] serve honestly and well, just as our council strived to do so. And we hope all their plans come to fruition and they establish a harmonious relationship with the entire college, its studentry, and the communities outside the university,” dagdag ni Onday.

Inaasahan din ni Onday na magiging kritikal ang FSTs sa pagpili ng kanilang mga lider sa darating na halalan.

Student Leaders Oppose Mandatory ROTC

Article By Maria Danielle Emeterio

Yesterday October 26, Student Council Officers from University of Santo Tomas (UST), Ateneo De Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU), Polytechnic University of the Philippines (PUP), University of the Philippines Diliman (UPD), University of the Philippines Manila (UPM), and Adamson University (AdU) initiated an online press conference held in Zoom, hosted by No to Mandatory ROTC (NMROTC) Network, condemning the neglect of the Marcos Jr-Duterte administration against the demands of the education sector and the its pursuance of the revival of mandatory ROTC.

The representatives, Filipino students, and youth leaders also unite to register their most vigorous opposition, debunking the state’s self-serving portrayal by articulating their short statements while also pushing for “100% ligtas, abot-kaya, at dekalidad na balik-eskwela.”

Lance Avery Alo from NMROTC Network started the press conference with his objection concerning the compulsory pursuit of making ROTC a course.

 “This is not the right time for a mandatory ROTC, and there will be no right time for this… it will only foster a culture of violence,” he declared.

Student councils argue against mandatory ROTC

Various youth leaders echoed these sentiments of opposition speaking against the regime’s attempts at reinstalling mandatory ROTC.

Vice-President of PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (PUP SKM), Benhur Queqquegan stated “ROTC is not important and will not solve any problem once they implement it.”

Queqquegan emphasized that MROTC is not the answer to the current issues in the country. 

“Other than that, enforcing MROTC will mandate a budget, and it will affect the finances of the students and parents because of the obligatory gear, tuition, uniforms, and transportation fees. ROTC will waste the national budget since it could require 38 Billion Pesos allocation annually… Ang pondo ng bayan ay para sa mga mamamayan at hindi sa militar,” he added

TJ Alcantara, President of Ateneo Sanggunian, the student council of ADMU, meanwhile emphasized that ROTC is an occlusion to students as it is not beneficial in enhancing their skills in their fields. 

Alcantara also stressed that we should fortify the National Service Training Program (NSTP), considering that ROTC could only bring danger and possible abuse of authority. 

“Ang pagmamahal sa bayan ay base sa kalayaan… Hindi na dapat pang dagdagan ang kahirapan ng mga estudyante. Huwag alisin sa kanila ang karapatang pumili ng programang kanilang pahahalagahan.” He said.

Joseph Philip Contado of UST Central Student Council (UST CSC), meanwhile opened up his statement with the felony against Mark Nelson Chua, a student from the University of Santo Tomas  (UST), who exposed the culture, corruption, and violence of ROTC, and the reason for the removal of ROTC. 

Contado expressed, “Because of the past, there is a culture of violence and corruption in ROTC. It will only teach civil obedience, violence, and misconduct. The best thing to do is to focus on many significant issues like fair pay for our teachers, educational materials, etc.”

“Hindi natin gugustuhin na may isa pang buhay ang mawala nang dahil sa pagpapatupad ng MROTC at dahil sa pagtindig laban sa karahasan at korapsyon,” Contado remarked.

Chairperson of UPD University Student Council (UPD USC), Latrell Felix, also accentuated that ROTC will influence our way of thinking to follow authorities around. 

“Education should feel free and liberating, and ROTC will not recognize it… Academic freedom should prevail in different universities,” she worded.

In uniting with the other student council against Mandatory ROTC, Mark Angelo del Rosario of UPM University Student Council (UPM USC) also described the program as repressive, burden-inducing and falsely nationalistic.

UP Student Regent Siegfred Severino capped the arguments against Mandatory ROTC stating, “It is not true that ROTC would benefit us – because it will not. It is not the discipline that young people are missing, if not the adequate response to their fundamental needs.” 

Severino also declared that the military would only use ROTC to go in and out of the campuses to hinder progressive ideas.

Regarding future actions against the Mandatory ROTC, Severino said that the student councils’ dialogues with the House of Representatives and the Senate will continue.