Home

Latest Post

Sasamahan ka sa UP Diliman: Sining sa Campus

Artikulo ni Camila Guinoban

Bilang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas, hinaharap natin araw-araw ang sandamakmak at mabibigat na gawain. Tinitiis natin ang hirap ng pampublikong transportasyon, lalo na sa mga manggagaling pa sa malalayong lugar. Bukod pa roon, tagatak ang pawis natin sa bawat paglakad sa campus upang makarating sa gusali ng susunod na klase— ito ang buhay yupi. Dahil dito marahil, bihira na tayong tumigil upang pagmasdan ang mga likha ng sining na nakapalibot sa unibersidad. Dulot ng pagod, nawawala na sa ating isipan na ang unibersidad ay isa palang museyo—isang tanda ng mga kagila-gilalas na utak ng mga nagdaang alagad ng sining.

Kapag sinabing UP, karaniwang unang pumapasok sa isipan ang eskulturang Oblation ni Guillermo Tolentino—Oble kung tawagin. Ang larawan ni Oble ay isang lalaking walang saplot, nakatingala ang ulo, at nakalatag pahaba ang parehong kamay sa ere, na tila ba isang taong inaalay ang kaniyang sarili. Makikita rin na may mga batong tinatayuan si Oble, nanggaling pa ang mga ito sa Marikina River at siyang kumakatawan sa iba’t ibang isla ng Pilipinas. Mapapansin din ang mga dahon ng kataka-kataka sa harap na hita at paa ni Oble, upang magpahayag ng paninindigan, pagsusumikap, at serbisyo.Makahulugan ang paglalagay ng eskultura ng Oblation sa mga campuses ng UP. Hindi mawawala ang mga pagpapa-alala na nasa UP ka sapagkat kailangan ka ng bayan, hindi para sa sarili—para sa bayan. Ayon kay Tolentino, ang Oblation ay simbolo ng katotohanan at sakripisyo—tunay, walang pagpapanggap. Samakatuwid, si Oble ay nagsisilbi ring paalala at representasyon ng isang makabuluhang layunin na siyang ikinikintal sa bawat isipan ng bawat taong bumubuo sa unibersidad, ang ipaglaban ang katotohanan at ialay ang sarili para sa bayan.

Matatagpuan sa Roxas Avenue ang tanyag na Palma Hall, ang gusaling paniguradong makikita sa telebisyon tuwing may pelikulang ginaganap sa UP. Sa harap naman nito, ginaganap ang Oblation run. Simbolismo ng UP Pride ang gusaling Palma Hall, sapagkat isang iskolar ng bayan ang nagdisenyo nito, si Arch. Cesar H. Concio na siya ring pinakaunang tinaguriang opisyal na arkitekto ng unibersidad—sumasalamin ang Palma Hall sa bunga ng UP education. Higit pa rito, ipinakikita rin ng bawat haligi ng Palma Hall ang pagmamalasakit ng isang Isko sa kapwa niyang Iska’t Isko, sa kadahilanang napaka-strategic ng istruktura ng Palma Hall, mayroon itong estilong asymmetrical, ibig sabihin, may mga bahagi na hindi pantay o hindi salamin ng isa’t isa at ang pangunahing layunin ng nasabing estilo ay ang maayos na daloy ng hangin at araw sa gusali. Marami ring nakapuwestong entrances/exit sa gusali, nang sa gayon, maaaring tantsahin ng mga estudyante, guro at staff kung ano ang pinaka-akmang entrance/exit batay sa kanilang pupuntahan at sa kanilang pinanggalingan. Likha ng mga salik na ito, naging isa sa pinakamakasaysayang gusali ang Palma Hall sapagkat dito karaniwang nagkaklase ang mga General Education subjects, kaya naman halos lahat ng mga taga-UP ay may mga alaala sa loob nito. Dito rin kadalasang ginaganap ang mga academic movements. Kung iisipin, naging mitsa ang katha ng isang Iskolar para sa kuwento ng marami pang Iskolar. Kasingtibay ng mga haligi ng Palma Hall ang kapit nito sa bawat alaala ng mga estudyante sa UP Diliman.

            Papasok ng Palma Hall, sasalubungin ka ng bust ni Jose Rizal, na siya ring likha ng artistang si Guillermo Tolentino. Makahulugan ang paglalagay ng bust na ito sa main entrance ng Palma Hall—para bang paalala sa mga Iskolar, namakikinig sa diskusyon ng Kas 1, magtatanghal para sa Speech 30, o sasabak sa unang pagsusulit sa Philo 1, na sila ang pag-asa ng bayan. Kung pagmamasdan ang kabuuan ng campus, hindi lamang Palma Hall ang mayroong eskultura ng isang historic figure, ang Plaridel Hall naman ay mayroong Marcelo H. Del Pilar—hango kay Del Pilar ang pangalan ng gusali sapagkat ito ang kaniyang pen name. Sa aking palagay, kinakatawan ng mga eskulturang ito ang iba’t ibang larangan. Sa main entrance ng Palma Hall nakalagay ang bust ni Rizal sapagkat espasyo ito ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, tinatawag ding konsensiya ng bayan ang mga mag-aaral sa ilalim ng Kolehiyong ito at kung babalikan ang kasaysayan, maituturing ding konsensiya ng bayan si Rizal dahil malaking pagbabago ang idinulot ng kaniyang mga sulatin sa kaisipan ng samabayang Pilipino. Nagsisilbing ehemplo ang mga personalidad na ito upang sundan ng mga Iskolar ang Husay at Dangal na minsan nilang ipinakita sa kani-kaniyang mga larangan.

Sa Lobby naman ng Palma Hall, nakatanghal ang pinakamalaking mural sa UP na siyang pininta ni Vicente Manansala. Mayroon itong titulo na The Arts and the Sciences. Tahanan ng Pisika, Arte at Literatura, Agham Panlipunan at Pilosopiya ang Palma Hall—pagsasama ng Agham at Sining, kagaya ng titulo ng mural. Halo sa mural ang iba’t ibang elemento ng sining at agham, ngunit kung iyong pagmamasdan, bagamat magkaibang larangan, may nabubuong harmony sa obra. Bagamat madalas ipagkumpetensya ng lipunan at timbangin kung alin sa dalawa ang higit na mahalaga, mataas ang potensyal na makalikha ng mga makabuluhang bagay para sa bansa kung magtatrabaho ang dalawang larangan bilang magkakampi.

Ilang lakad lamang, matatanaw na ang College of Arts and Letters New Building, kung saan nakalagay ang eskultura ni Magdangal. Ang eskultor ni Magdangal ay si Napoleon Abueva. Gaya ni Oble, wala ring saplot si Magdangal, nakatabingi nang kaunti ang itaas na bahagi ng kaniyang katawan, nakasarado ang kaniyang kaliwang kamao at matapang ang kaniyang tindig. Sa ibaba ni Magdangal, nakaukit ang mga salita ni Virgilio Almario: “Magbangon ka, aking Mutya, / Mula dagat ng dalita; / Pairalin mo sa lupa / Ang tarong ragsak, at laya.”  Kung pangunahing larawan ng kabuuan ng UP ang eskultura ng Oblation, si Magdangal naman ang sa CAL. Si Magdangal ay isang paghihimok sa mga mag-aaral nito tungo sa malaya at mapagpalayang pagsusulat—pagsusulat na walang kinikilingan, walang kinatatakutan, walang pinipiling kasarian, walang pinipiling pinanggalingan, pagsusulat na walang diskriminasyon at bahid ng kasinungalingan.

Sa tabi ng CNB, nakatayo ang Vargas Museum. Donasyon ito ng dating estudyante ng Unibersidad, si Jorge B. Vargas. Malaking benepisyo para sa mga estudyante ng kursong Art Studies ang malapit na lokasyon ng Vargas sa CAL. Maraming impormasyon ang maibabahagi ng museyo at higit pa roon, kung pinaplano nilang mag-internship, nagbibigay ng opportunidad para dito ang Vargas. Ibinigay ni Jorge B. Vargas ang koleksyon niya sa UP Diliman sa pag-asang sa pamamagitan nito, maibabahagi niya sa mga susunod na henerasyon ang kahalagahan ng sining ng Pilipinas—kahalagahan nito sa ating kasaysayan, kultura at maging sa ating pagkatao. Nakahanay ang mga pinta sa ikalawang palapag batay sa kung anong panahon sa kasaysayan sila kabilang, gaya rin ng mga tradisyunal na museyo, maraming nakaukit na impormasyon patungkol sa mga ito sa mga nakapaligid na pader. Sa ikatlong palapag naman, makikita ang iba pang mga likhang sining at memorabilia ni Jorge B. Vargas. May Vargas Museum sapagkat may mga taong handang makinig na siya ring mga taong ninanais ng unibersidad na makarinig at mapagtanto ang boses ng sining.

            Sa bawat stroke ng paintbrush, guhit ng lapis, hulma ng luwad, disenyo ng gusali—sa bawat katha ng mga artistang kamay at isip, may nagtatagong kuwento na maaaring makapagpabago, makapagpamulat at makapagpalaya ng mga tao. Ang likhang sining, bagamat tapos na, ay patuloy pa rin ang mahalagang papel sa lipunan.

            Ang buong UP Diliman ay maituturing na isang obra maestro. Hindi nagtatapos sa mga pinta, eskultura, at arkitektura ang sining sa UP. Maaari rin itong matagpuan sa mga pusong may nakapaloob na matatayog at mabubuting adhikain para sa bayan.

Sanggunian
Reuben Cañete and Santiago Pilar, “Oblation | CCP Encylopedia of Philippine Art,” Oblation (EPA, 2020), https://epa.culturalcenter.gov.ph/3/82/2240/.
DZUP News, “LIST: Rizalian Art in up Diliman,” DZUP 1602, June 19, 2020, https://dzup.org/news/campus-news/list-rizalian-art-in-up-diliman/.
John Paul Olivares, “University of the Philippines, Quezon City: The Art in the Gonzalez Hall’s First Floor,” Lakbay ng Lakan, September 29, 2016, https://lakansining.wordpress.com/2016/09/29/university-of-the-philippines-quezon-city-the-art-in-the-gonzales-halls-first-floor/.
“About the Museum | Vargas Museum,” vargasmuseum.org, n.d., https://vargasmuseum.org/about-the-museum/.

Updates

  • JJ Avengoza Sa ika-100 araw ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pinakamataas na puwesto ng bansa, nakita natin kung ano ang aasahan sa kanya sa pagresolba sa mga susing usapin ng Pilipinas, tulad ng paghina ng piso kontra dolyar at ang paghina ng purchasing power ng ating pera; pagtaas ng mga presyo ng bilihin dulot ng pagtaas ng presyo ng petrolyo; ang pagbangon ng bansa sa gitna ng pandemya; at krisis sa edukasyon na lahat ay nanggaling sa nakaraang administrasyon. Ano ang aasahan natin? Wala. Pinakita ni Marcos Jr. kung paano niya ginamit ang sambayanang Pilipino upang makuha ang gusto niya at ng kaniyang mga kaalyado, tulad ng mga Duterte na napanatili ang kawing sa bansa sa katauhan ng anak ng dating pangulong si Rodrigo na si Inday Sara. Sa unang 100 araw ni Marcos Jr. sa puwesto, wala tayong nakita kung hindi pagpapabaya at kasinungalingan sa mamamayan. Sa ginawang listahan ng Kabataan Partylist, mababakas na hindi talaga prayoridad ng rehimeng Marcos Jr.-Duterte na tugunan ang mga krisis na kinahaharap ng sambayanan, bagkus sila pa ang nagpapalala nito o wala silang ginagawa para bigyang solusyon ang paghihirap ng masang Pilipino. Wala pa mang isang buwan ng kaniyang pamumuno, puro na party ang anak ng diktador, sa Malacañang man o sa labas ng Palasyo kasama ang pamilya at mga kaalyado. Bukod pa rito, halatang pabaya ang kauupo pa lamang na Pangulo, gaya noong nasa gitna ng bagyo ang bayan, naglabas siya ng vlog hinggil sa pagpunta sa New York noong United Nations General Assembly.  Dagdag pa rito ang nakapagtatakang paglobo ng badyet para sa Opisina ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Hindi problema na taasan ang badyet kung mapupunta ito sa mga makabuluhang mga proyekto, ngunit tinaguriang red flag ang paglalaan nila Marcos Jr. at Duterte ng malaking confidential funds. Maaalalang umabot sa 2.3 bilyong piso ang badyet ng opisina ni Vice President Duterte kahit hindi umabot sa sampung minuto ang deliberasyon para roon. Sa loob din ng 100 araw, tumindi ang atake laban sa mga mamamayan. Tumindi ang pangre-redtag sa mga progresibo dahil sa patuloy na pag-iral ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ni Lorraine Badoy mismo na may mga pending na mga kaso sa korte. Matindi rin ang pagpapatahimik sa mga mamamahayag, gaya ni Ka Percy Lapid, kilalang kritiko ng mga Duterte at Marcos, na kamakailan lamang ay pinatay sa lungsod ng Las Piñas. Kaya wala tayo aasahan sa susunod pang 100 araw at linggo sa kamay nina Marcos Jr. at Duterte. Kung harap-harapan silang nagpapakasasa sa kaban ng bayan, na may gana pang pumunta sa Singapore para manood ng F1 sa halip na tumulong sa mga nasalanta sa Luzon dulot ng Bagyong Karding, tiyak na hindi ito ang huling pagkakataon na magiging pabaya at pahirap siya sa sambayanang Pilipino. 100 araw tayong nagdusa sa patong-patong na krisis. 100 araw pa lang ay may dumanak na dugo na kaagad sa kanyang pamamahala. Isandaang araw pa lamang ay pinatunayan na niya, kahit noon pa naman, na dagok siya ng bayan. Hindi na natin dapat hintayin ang 100 pang araw para panagutin siya at patalsikin, dahil sapat na ang 100 araw upang ipakita sa atin kung dapat pa ba siyang maging Pangulo ng Pilipinas. Hindi tayo makalilimot sa pagbalik ng paghahari-harian ng mga Marcos, at dapat maniguro ang sambayanang Pilipino na hindi na muling mangyayari ito.#

Recent Posts